Sa tala ng National Police, sinasabi na sa 43 “drowning incident” na naitala mula Marso 23 hanggang Abril 2 ay kabuuang 37 ang nasawi.
Sa 37, isa ang mula sa Ilocos region, anim sa Cagayan Valley, walo sa Central Luzon, 10 sa Calabarzon, isa sa MIMAROPA, apat sa Bicol, isa sa Western Visayas, isa sa Central Visayas, dalawa sa Davao region, at tatlo sa Caraga.
Pero sa hiwalay na ulat ng Ilocos regional police Lunes, nakasaad na lima ang nalunod habang nagsi-swimming sa mga beach, ilog, at falls sa Candon City, Ilocos Sur; Caba, La Union; Sual at Tayug Pangasinan; at Laoag City, Ilocos Norte, nito lang Sabado at Linggo.
Sa tala naman ng Office of Civil Defense-Calabarzon, sinasabing 11 na ang nalunod sa rehiyon, na kilalang bakasyunan ng mga taga-Metro Manila, nitong Semana Santa lamang.
Di pa kasama sa tala ng PNP ang ulat ng Zamboanga Peninsula regional police tungkol sa pagkalunod nina Gustavo Cruz, 62, at Arnel But-ay, 5, sa beach sa Brgy. Bolong, Zamboanga City, at swimming pool sa Josefina, Zamboanga del Sur, nito lang Linggo.
Di pa rin kasama sa naturang tala ang ulat ng Autonomous Region in Muslim Mindanao police tungkol sa pagkalunod ng isang Esnawi Talusan, 21, na nag-swimming sa marsh o katihan sa Talitay, Maguindanao, habang dumadalo sa kasalan doon.
Kaugnay naman nito, inulat ng OCD-Calabarzon na umabot sa 30 katao ang nasawi at 51 ang nasugatan sa iba-ibang insidente sa rehiyon nitong Semana Santa.
Kasama sa 30 “major incidents” na na-monitor ang 17 aksidente sa kalsada, 11 pagkalunod, isang landslide, at isang sunog, mula Lunes Santo hanggang Linggo ng Pagkabuhay.
Isa ang nasawi sa landslide sa San Mateo Rizal, at 18 ang binawian ng buhay sa mga aksidenteng kinasangkutan ng sasakyan, sa iba-ibang bahagi ng rehiyon, ayon sa ulat.
MOST READ
LATEST STORIES