Hamon ni Karla sa mga ‘plus size’ na Pinay: Mag-bathing suit kayo, hindi dapat mahiya!


NAGSILBING inspirasyon ng mga kababaihang kabilang sa mga “plus size” ang tapang at paninindigan ni Karla Estrada pagdating sa pagiging “confidently beautiful and sexy.”

Naging usap-usapan sa social media last week ang pagrampa ni Queen Mother sa isang beach resort suot ang iba’t ibang klase ng bathing suit. Ipinost niya sa Instagram ang ilan sa kanyang swimsuit photos na pinusuan naman ng kanyang mga followers.

Dito rin inamin ng nanay ni Daniel Padilla na double XL ang size ng kanyang mga bathing suit.

Kahapon sa morning show nila nina Jolina Magdangal at Melai Cantiveros na Magandang Buhay, nagpaliwanag si Karla kung bakit naglakas-loob siyang i-post ang kanyang mga swimsuit photos.

“Parang karamihan kasi sa atin dito sa Pilipinas ay hindi bukas ang ating pang-unawa na kahit mataba ka, e, puwede kang mag-bathing suit. Medyo meron tayong ganu’n na parang napupulaan tayo.

“Tapos tayo, nasanay tayong matataba na talagang hindi na tayo makapag-swimming sa dagat. Nilagay po ng Diyos ang karagatan na ‘yan para sa ating lahat ay ma-enjoy natin,” aniya pa.

Hirit pa ng TV host-singer-actress, “So, huwag tayong mahihiya dahil hindi naman talaga sila ang bumili ng pagkain kaya tayo lumaki nang ganito.” Nagmula raw sa isang sponsor niya sa Amerika ang mga isinuot niyang bathing suit na mino-model ng American TV host at plus-size model na si Ashley Graham.

Chika pa ni Karla, “Ako naman, gusto ko lang makatulong, magbigay ng inspirasyon sa mga kapwa natin Pilipinang medyo may kalakihan na, ‘Hello! May mga bathing suit na kakasya sa inyo. Magsuot kayo.’

“Kasi ang point ng pagsusuot ng bathing suit kapag ikaw ay nasa dagat ay para pumantay ang kulay mo at ma-enjoy mo ang pagsu-swimming.

“Sa mga kababayan natin, lalo na yung mga kababaihan, mga Pilipinang kababaihan, na huwag na kayong mahihiya. Magsuot kayo ng gusto niyo as long as kaya niyong dalhin at confident ka sa kasuotan mo at, siyempre, magsusuot ka ng naaayon lang kung nasaan ka,” payo pa ni Karla sa mga Pinay plus size.

Maraming netizens ang pumuri kay Karla dahil sa pakikipaglaban nito sa mga karapatan ng mga babaeng matataba na parati na lang naba-bash dahil sa kanilang katawan.

Komento nga ng isang follower ni Karla, “Thanks Queen Mother for giving us the confidence para ipakita ang ganda ng mga plus size women. You’re tuly an inspiration para sa aming lahat ng hindi biniyayaan ng seksing katawan!”

Read more...