Nakawan sa mga airport tuloy pa rin

NITONG Miyerkules Santo, isang Japanese tourist, si Yuya Sakata, ay dinukutan ng Aus$1,700 sa routine baggage inspection sa NAIA terminal 3 ng dalawang “intelligence agent aides” ng Office of Transportation Security na sina Stephen Bartolo at Demie James.

Nabawi lamang sa kanila ang Aus$300 at kinasuhan daw ng qualified theft ang dalawa, sabay sibak.

Noong Disyembre, mas nakakahiya ang nangyari sa asawa ng Turkish foreign minister na dumalo sa Asean fo-reign ministers forum. Si Mrs. Hulya Cavusoglu ay ninakawan ng jewelry box na naglalaman ng Escada gold at diamond jewelries, at nalaman lang niya pagdating sa kanilang bansa.

Inireklamo ang insi-dente at nakita ang je-welry box sa locker ng mga baggage handlers na sina Yves Ronald Baguion, Wilson Mataganas, John Andrews Racoma at isang Alfaro na pawang nakadestino sa NAIA terminal 1.

Doon sa Cebu International Airport, ibinandera ng private airport operator na GMR-MEGAWIDE CEBU AIRPORT CORPORATION (GMCAC) na talamak din ang nakawan ng bagahe doon dahil sa MIASCOR baggage handling services.

Hindi raw inireport nito ang 18 sa 26 na kaso ng nakawan sa Cebu Airport.

Ang MIASCOR ang may hawak ng mga bagahe sa NAIA, Clark, Mactan, Kalibo at Davao airports.

Noong Enero, su-mabog ang kaso ng OFW na si Juvenil de la Cruz, ng Pandi, Bulacan nang ibunyag niya sa social media ang nasira niyang bagahe at nawalang gamit at pasalubong pagdating sa Clark International Airport.

Umabot ito ng two million views at nagalit pa si Presidente Duterte. Nasibak ang anim na empleyado ng MIASCOR at kinasuhan daw ng theft sa piskalya.

Nalulungkot lang ako dahil hindi pina-ngalanan sa media ang mga magnanakaw.

At kahit nagalit na si Duterte sa nangyari sa Clark, tuloy pa rin ang nakawan sa bagahe.

Nitong Pebrero, isang balikbayan na si Ramon Segarra ang nagsabing nawalan siya ng mahahalagang bagay sa NAIA Terminal 1. Diumano, nagkaroon ng delay sa carousel at nang makita niya ang kanyang bagahe, sira na ang lock at zipper.

Ang kontrata ng MIASCOR na merong 4,000 empleyado ay pinakansela ng pangulo at naging epektibo kahapon Easter Sunday.

Ayon kay MIAA ge-neral manager Ed Monreal, merong 15 baggage handling companies ang papalit sa trabaho ng MIASCOR samantalang ang mga airlines ay kukuha na rin ng kani-kanilang baggage handlers.

Sa madaling salita, hindi raw inaasahang magkakaproblema nang husto sa transition ng pagkawala ng MIASCOR. Sa aking palagay, sayang na sayang ang balitang nasa 10 most improved airport nga-yon ang NAIA sa buong mundo.

Tapos ay sisirain lang ng mga dorobong magnanakaw sa bagahe, kontratistang taxi drivers, at mga salising security officers ng Office of Transportation security.

At tila hindi yata natatakot ang mga magnanakaw na ito sa airport kahit nag-aalburuto na si Duterte. Anong klaseng mga aksyon ang ginagawa rito ni Transportation Secretary Arthur Tugade at ng katukayo niyang si OTC Administrator at Usec. Arturo Evangelista?

Mga boss, garapalan na ang mga nakawan ng bagahe, dukutan sa tu-rista at iba pa, ano ang ginagawa niyo? Puro dakdak at nganga!

May komento o reaksyon sa kolum na ito? Mag-email sa inquirerbandera2016@gmail.com o mag-text sa 09999858606

Read more...