TABLA sa may pinakamaraming absent sa sesyon ng Kamara de Representantes sina Sarangani Rep. Manny Pacquiao at Negros Occidental Rep. Jules Ledesma IV.
Absent ang dalawa sa 60 sesyon o pumasok lamang ng 108 araw sa kabuuang 168 session days ng 15th Congress na mula Hulyo 2010 hanggang Hunyo 2013.
Sa 108 na ipinasok, 98 beses lamang na aktwal na dumalo sa sesyon sa plenaryo si Pacquiao pero “deemed present” siya sa 10 araw. Si Ledesma naman ay “deemed present” sa walo. Ay
Ayon sa rules ng Kamara, ang isang miyembro ay “deemed present” kung ito ay dumadalo sa committee meeting na pinayagan ng Committee on Rules, mga pagpupulong sa Commission on Appointments, House of Representatives Electoral Tribunal, bicameral conference committees, at kung nasa official mission ito na inaprubahan ng Speaker.
Pangatlo naman sa may pinakamaraming absent si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo na pumasok lamang ng 111 araw. Si Arroyo ay nakakulong sa Veterans Memorial Medical Center dahil sa kasong plunder.
Sumunod naman ang anak niyang si Ang Galing Rep. Juan Miguel Arroyo na pumasok ng 112 araw samantalang ang isa pang anak na si Camarines Sur Rep. Dato Arroyo ay naka-perfect attendance.
Sa 290 kongresista, 21 lamang ang nakakumpleto ng ipinasok at pinangunahan ito ni Speaker Feliciano Belmonte Jr., Majority Leader Neptali “Boyet” Gonzales II, An Waray Rep. Florencio Bem Noel at Albay Rep. Edcel Lagman.
Ikinokonsidera naman naka-perfect din si CIBAC Rep. Sherwin Tugna na pumasok ng 152 araw dahil siya ay noong Hulyo 26, 2010 lamang naiproklama.