San Miguel Beermen, Magnolia Hoshots unahan sa 2-1 Finals lead

Laro Ngayon
(Smart Araneta Coliseum)
6:30 p.m. San Miguel Beer vs Magnolia (Game 3, best-of
———————
Game 1: Magnolia 105, San Miguel Beer 103
Game 2: San Miguel Beer 92, Magnolia 77
———————-
SASANDIGAN ng three-time defending champion San Miguel Beermen ang nakamit na momentum sa pakikipag-agawan sa ikalawang panalo kontra nagpapakita ng matinding hamon na Magnolia Hotshots sa pagbabalik aksyon ngayon ng 2018 PBA Philippine Cup best-of-seven championship series sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Muling magsasagupa matapos ang ilang araw na pahinga sa pag-obserba ng Semana Santa sa ganap na alas-6:30 ng gabi ang Beermen at Hotshots na kapwa hindi nakapagbakasyon para mapaghandaan ang krusyal na ikatlong laro.

Ipinamalas ng Beermen ang mahusay na taktika sa Game Two para pigilan ang pag-atake at tangkang pagtala muli ng upset win ng Hotshots.

“Nakanti ang pride,” sabi ni San Miguel Beer coach Leo Austria matapos na itala ng koponan ang 21 puntos na abante, 71-50, sa ikatlong yugto bago muling bumalikwas ang Hotshots na nagawang ibaba sa pitong puntos na lamang ang abante para pahigpitin ang laban.

Gayunman, ipinakita ng Beermen ang kahandaan nito sa pagpigil sa pag-atake ng Hotshots sa pagpapalobo muli sa abante nito sa 17 puntos bago tuluyang inangkin ang unang panalo sa unahan sa apat na panalong pangkampeonatong serye.

Samantala, problemado ang Magnolia sa injury sa mga manlalaro nito matapos madagdag ang point guard na si Justin Melton na hindi na makakalaro sa kabuuan ng serye.

Sinabi mismo ni Magnolia head coach Chito Victolero na kailangan ni Melton na magpahinga ng tatlo hanggang apat na linggo dahil sa hamstring injury na nakamit nito sa semifinals series kontra NLEX Road Warriors.

Nadagdag si Melton sa nauna nang nagtamo ng injury na si power forward Marc Pingris na hindi makakalaro sa Hotshots.

Si Melton ay naglaro noong Game One sa loob ng limang minuto at nagtala siya ng isang assist at isang steal. Si Melton ay miyembro ng San Mig Coffee Mixers (Magnolia na ngayon) na nakumpleto ang 2014 Grand Slam.

Read more...