ANG taray ng grupong Ex-Battalion! Kahilera na kasi nila ngayon ang mga kilalang endorsers ng kumpanyang Frontrow.
Ilan sa mga frontliners ng Frontrow ay sina Ellen Adarna, Marlon Stockinger, Boyband PH at ang King & King Of Hearts na sina Katryn Bernardo at Daniel Padilla. Ni-launch na bilang pinakabagong kapamilya ng Frontrow ang Ex-Battalion kamakailan.
Ayon sa Presidente nitong si RS Francisco, matagal na niyang naririnig ang Ex-Battalion at alam niyang sikat ang grupo pagdating sa pagra-rap pero hindi niya inakalang ganu’n na pala katindi ang kasikatan ng mga miyembro nito.
Nalaman niyang mabentang-mabenta sa YouTube ang Ex-B, sa katunayan milyun-milyon na ang views na hinakot ng kanilang awiting “Hayaan Mo Sila”. Nang mapanood daw niya ang video ng grupo ay may 21 million hits and views na ito.
Aniya, “To have 21 million hits, grabe! Kahit anong gawin ko, hindi ako maka-20 hits, eh.”
At sa kasalukuyan ay may 44 million views na ang kanta ng Ex-Battalion.
Ipinaliwanag ni RS na walang partikular na produktong ieendorso ang grupo dahil ang buong kumpanya ng Frontrow ang mukha ng Ex-Battalion.
Sa ganang amin ay magkakatulungan si RS at ang Ex-Battalion para lalong palakasin ang Frontrow na siyang nasa likod ng Luxxe White Gluta capsules, Bling and Glitz, Skin Whitening Bar at iba pang mga produkto na may koneksyon sa beauty and wellness.
Nabanggit din ni RS na lalo siyang bumilib sa grupo dahil on the spot ay nakabuo ng awitin ang mga miiyembro nito na magiging theme song ng Frontrow. Ito’y may titulong “Follow Your Lead” na akmang-akma sa negosyo ng actor-direktor.
“Mahal ko sila,” ito ang tanging sagot ni RS sa tanong kung mahal ang talent fee ng Ex-Battalion dahil nga sikat na sila.
Ang pangako ni RS ay tutulungan niya ang grupo sa bago nitong music video na isu-shoot pa sa iba’t ibang bansa para bigyan ng chance na makilala worldwide. Nagbiro pa nga ang actor-director na pati raw launching ng bagong music video ng Ex-B ay sa ibang bansa rin gaganapin.
Dumating sa press launch ng Ex-Battalion as Frontrow endorser si RS na sakay ng kanyang Audi sports car kaya tinanong siya kung plano rin ba niyang bigyan ang grupo ng mamahaling sasakyan.
Napangiti muna si RS at sabay sabing, “Why not, nasa pagsisikap naman lahat ‘yan, kung worth naman nilang bigyan.”
Present din ang manager ng Ex-Battalion na si Ai Ai delas Alas sa ginanap na press launch at contract signing ng grupo.