TATAKBO raw si Justice Secretary Vitaliano Aguirre pagka-senador next year.
Ito ang pahiwatig ng hepe ng Department of Justice.
Pero kung siya’y masusunod, ani Aguirre, gusto pa rin niya na pa-tuloy siyang maging justice secretary.
Naaamoy na yata ni Aguirre na siya’y sisibakin ng Pangulong Digong.
Isang Palace insider ang nagsabi sa akin na asar na asar si Digong sa kanyang justice secretary.
“Sana’y tumakbo siya pagka-senador at matalo,” sabi raw ni Digong.
Anong ibig sabihin noong tinuran na yun ng pangulo? Na hindi niya maalis-alis ang kanyang classmate sa San Beda College of Law kaya’t gusto niya itong tumakbo pagka-senador upang kusa na siyang magbitiw.
***
Hindi mananalo si Aguirre sa Senate race.
Bakit? Galit ang taumbayan sa kanya matapos ibasura ng DOJ ang kasong droga laban kina confessed drug dealer Kerwin Espinosa at alleged Cebu drug kingpin Peter Lim.
Ginalit din ni Aguirre ang mga Cebuano nang isangkot nito si Cebu City Mayor Tommy Osmeña sa droga.
Ang Cebu ay isang vote-rich province. Si Gloria Macapagal Arroyo ay nanalo laban sa actor na Fernando Poe Jr. sa pagkapangulo nang makakuha ito ng 1 milyong boto sa Cebu noon.
***
Hindi rin mananalo si Aguirre kung siya’y tumakbo sa paga-gobernador ng Quezon.
Magkakampanya ang lahat ng kanyang mga kamag-anak sa bayan ng Mulanay laban sa kanya.
“Mas yumabang siya nang maging secretary of justice,” sabi ng isang pinsan ni Aguirre sa akin.
Kung ikaw ay isinusuka ng iyong mga kamag-anak, ano pa kaya ang ibang tao?