SA bango ni Pangulong Duterte ngayon, walang duda na gusto ng mga tatakbo sa 2019 midterm election ng kanyang basbas. Marami kasi ang naniniwala na malaking tulong ang maibibigay nito para sila ay manalo.
Madalas ay nananalo naman talaga ang mga kandidato ng administrasyon kapag mid-term elections, hindi man lahat ng kandidato sa pagkasenador pero karamihan ay wagi.
Except na lang yata noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Hindi na kasi kabanguhan si Arroyo noong 2007 mid term elections kaya marami sa mga kandidato ng Team Unity ay inalat.
Pero nung bagong upo si Arroyo noong 2001 ay maraming kandidato ng administrasyon ang nanalo. People Power Coalition ang tawag sa administration team tama ba? Kauupo lang noon ni Arroyo matapos na umalis sa Malacanang si Pangulong Joseph Estrada.
Kaya lang marami naman sa mga nanalong senador sa ilalim ng PPC ay naging kalaban din ni Arroyo. Hindi nagkatotoo ang “If we hold on together” na kinanta ng mga Gabinete sa Malacanang at sila ay nagkawatak-watak.
Noong panahon ni dating Pangulong Benigno Simeon Aquino, mataas pa siya sa survey ng mag-mid term elections pero hindi rin nanalo ang lahat ng kandidato ng administrasyon.
***
Sa susunod na taon pa ang eleksyon pero ngayon pa lang ay busy na ang administrasyon sa paglilibot.
Hindi naman ito bago, ganito rin ang ginawa ng mga nakaraang administrasyon.
Ang mga kandidato sa lokal na posisyon ay naglulundagan sa administration party kapag mid-term elections. Kaya kung dati ay hindi mo magagamit ang lahat ng daliri mo sa kamay sa pagbibilang ng mga miyembro ng PDP laban, ngayon ay hindi na kasya sa isang malaking eroplano ang mga miyembro ng partido ng Pangulo.
At habang naghahanda ang administrasyon ng makinarya nito ay unti-unting nabubura sa isip ng marami ang posibilidad na ipagpaliban ang 2019 polls para sa isinusulong na federalismo.
Nung una ay nabuhayan ang ilan nang maipasa ng Kamara de Representantes ang pagpapaliban ng Barangay election. Nagkaroon sila ng pag-asa.
Kaya lang namatay din naman ito kaagad dahil wala namang ganitong panukala sa Senado tapos wala ng sesyon. Nag-Holy Week break na ang Kongreso kaya malabo ng makapagpasa ng ganitong panukala ang Senado bukod pa sa ayaw naman ng mga senador na ipagpaliban ang barangay polls.
Sa pagbubukas ng sesyon ay tapos na ang barangay polls.
Hindi naman siguro magpapatawag si Pangulo ng special session para hindi matuloy ang barangay polls kahit pa ang plano naman talaga ay ipagpaliban ito para maisabay ang plebisito para sa Charter change.
Paano na nga kaya ang plebisito para sa Charter change?
Kung magsasagawa ng hiwalay na eleksyon para rito ay malaking gastos.
Nagbago ang isip ng Pangulo dahil sa laki ng gagastusin ng gobyerno sa pagbabago ng Saligang Batas sa pamamagitan ng Constitutional Convention kaya pumayag ito sa mas mura-murang Constituent Assembly.
Sa dami ng pangangailangan ng mga mahihirap na Pinoy masisisi ba ang Pangulo kung hindi niya gastusan ang plebisito.
E kung isabay na lang kaya sa 2019 polls?