PALAGI ka bang nahihilo? Umiikot ang iyong paningin at pagkatapos ay nawawalan ng panimbang? Baka may hypoglycemia ka o kaya naman ay iron deficiency anemia ka.
Hindi ito dapat binabalewala dahil delikado ang ganitong sitwasyon. Paano na lang kung nasa biyahe ka, at walang kasama? E, di isang malaking aksidente ang pwedeng mangyari.
Kaya dapat magpatingin kaagad sa doctor upang malaman ang sanhi ng iyong pagkahilo. Kung minsan kasi ang pagkahilo ay hindi dahil kulang ka lang sa iron. Maaaring may mas malala pang sanhi ito.
Maari kasing pwede itong may kaugnayan sa puso, baga, utak, tainga, mata at iba pa.
O di kaya ikaw ay may vertigo. Ito yung pakiramdam na umiikot ang iyong paningin kahit hindi ka naman gumagalaw.
Kadalasan ay bigla na lamang itong nangyayari at posibleng tumagal ng ilang oras o araw. Ito ay nararamdaman nang walang dahilan o kaya ay may pinsala sa ulo, o kaya nga ay konektado sa ibang bahagi ng katawan.
Ayon sa mga pag-aaral, dalawa hanggang tatlong porsiyento ng mga tao sa mundo ay apektado ng pagkahilo, at posibleng mga matatandang babae ang makadama nito.
Ang mga pasyenteng nabagok ang ulo ay mas mataas ang tsansa na makaramdam ng pagkahilo. Yung iba naman ay sanhi ng mga gamot na kanilang iniinom tulad ng gamot sa high blood, dperesyon, at maging sa epilepsy.
Kaya kung ikaw ay hilo, magpatingin kaagad sa doktor at huwag na itong ipagpaliban pa.