Sylvia ka-join sa HS reunion kahit hindi nakatapos: Nahihiya nga ako, e!

SYLVIA SANCHEZ

SA Subic, Zambales ang tungo ng pamilya Atayde ngayong Mahal na Araw. Pagkatapos nito ay lilipad naman ng Nasipit, Agusan del Norte si Sylvia Sanchez para sa 30th High School reunion nila sa St. Michael College of Caraga.

Hindi natapos ni Ibyang ang high school, nasa ikatlong taon na siya nang huminto at lumuwas ng Maynila para tuparin ang pangarap niyang maging artista.

Kuwento ng bida ng seryeng Hanggang Saan, “Hindi ako gumradweyt ng hayskul, pero sa tuwing reunion parati akong iniimbita ng Valedictorian at Salutatorian namin. Lagi akong nagsasabi na ayaw ko kasi hindi naman ako nagtapos, nahihiya ako.

“Pero lagi nilang sinasabi, ‘Hindi ka nga nakatapos, maganda naman ang buhay mo.’ Saka hindi lang naman ako ang iniimbita nila, halos lahat ng batch 88 ng St. Michael imbitado, ke nakatapos o hindi.

“Hanggang sa ibang bansa, kapag nalaman nilang may kaklaseng pumunta, talagang mini-meet nila. Tulad ko noong nagpunta ako ng New York last year, talagang nagkita-kita kami ng mga kaklase kong nandoon din. Ganu’n kami ka-close lahat sa school, malaking barkada kasi kami kaya nakakatuwa dahil walang nakakalimot.”

Abril 2 ang balik ni Ibyang sa Maynila dahil may taping na uli sila para sa Hanggang Saan na painit na nang painit ang eksena dahil nagsanib puwersa na sina Sonya (Sylvia), Jean (Teresa Loyzaga), Marjorie (Sue Prado), Katrina (Jenny Miller) at Yaya Letty (Ces Quesada) para mahuli si Jacob (Ariel Rivera).

Alam din ng grupo na pinagdududahan na ni Jacob ang asawang si Jean at nagbilin na sa kakuntsaba nitong hepe ng pulis na itumba kapag nabuking na may kinalaman siya sa paglabas ng mga ebidensiya laban sa kanya.

Tinanong namin si Ibyang kung sino ang next na mapapatay ni Jacob o ng tauhan nito, “Abangan mo kasi marami pang sasabog.”

Napapanood ang Hanggang Saan pagkatapos ng Asintado sa ABS-CBN.

 

Read more...