Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
7 p.m. San Miguel Beer vs Magnolia
(Game 1, best-of-7 Finals)
MAKUHA ang unang panalo ang habol ng San Miguel Beermen at Magnolia Hotshots sa Game One ng 2018 PBA Philippine Cup Finals ngayong alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Aminado si three-time defending champion San Miguel Beer coach Leo Austria na mas malalim pa ang nakataya sa best-of-seven championship series kumpara sa iuuwi nilang tropeo kundi pati na ang kani-kanilang nais maabot na misyon.
“‘Yung magkapatid, may pagkakataon talagang nag-aaway ‘yan,” sabi ni Austria, na hindi lamang binitbit ang San Miguel Beer sa ikaapat na sunod na pangtitulong labanan kundi sinimentuhan ang dinastiya ng Beermen bilang pinakamahusay na koponan sa pinakaprestihiyosong kumperensiya na dating All-Filipino Cup.
Sasandigan naman ng Magnolia ang tradisyon na laging nakakapasok sa natatanging walang import na kumperensiya sa pagtatangkang buhayin ang kanilang dinastiya sa inaasahang magiging maigting na serye para maabot ang misyon sa Philippine Cup Finals.
Hangad ng Beermen na itala ang kasaysayan bilang unang apat na sunod na kampeon sa Philippine Cup habang asam ng Hotshots na pag-alabin ang dating tradisyon kabilang na ang pagwawagi sa Philippine Cup na nagpasimula sa inangkin nitong Grand Slam noong 2013-2014 season.
Mag-aagawan sa importanteng panalo sa Game One ang Beermen at Hotshots na bubuhayin ang pagiging magkaribal sa all-Filipino conference sapul noong dekada 90.
Ito rin ang ikalawang pagkakataon na maghaharap ang Hotshots at Beermen sa finals bilang magkapatid na koponan sa ilalim ng San Miguel Corporation matapos na huling magsagupa noong 2013 Governors’ Cup.
Panibagong karibal na inaasahang gagawin ang lahat para maagaw ang korona ang makakaharap ng Beermen matapos nitong talunin para sa titulo ang Alaska Aces noong 2015 at 2016 at ang Barangay Ginebra Gin Kings noong 2017.
“Gutom na gutom sila at iyon ang kinakatakutan ko sa kanila,” sabi ni Austria patungkol sa Hotshots na hindi nakatikim ng titulo sapul nang itala ang Grand Slam noong 2013-14 season.
Una nang naging matinding magkaribal bilang Purefoods Hotdogs/Coney Island Ice Cream Stars sa ilalim ng Ayala Group ang ngayon ay Hotshots at Beermen sa apat na beses na paghaharap sa korona sa loob ng anim na taon simula noong 1989.
Kabilang noon sina Ramon Fernandez, Samboy Lim at Hector Calma sa Beermen na inuwi ang 4-2 panalo kontra sa Hotdogs sa kanilang sagupaan sa 1989 All-Filipino Cup. Nagwagi rin ang San Miguel Beer kontra Purefoods/Coney Island noong 1992 at 1994.
Bitbit ang Coney Island ay nagawa naman nina Alvin Patrimonio, na siya ngayong team manager ng Hotshots, at mga kasamahan na magkampeon kontra sa Beermen noong 1993.
Ang pangkampeonatong serye ay magsisilbi ring labanan sa pagitan ng pinakamaraming nauwing titulo sa All-Filipino conference kung saan ang San Miguel Beer ay may pito habang anim naman sa Magnolia.