Kumpisalang AAGND | Bandera

Kumpisalang AAGND

Lito Bautista - March 23, 2018 - 12:10 AM

SA mga kasalanan mananatili, hanggang sa kahihiyan, pagbagsak at kamatayan. Mamamatay na taglay ang kasalanan. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Blg 21:4-9; Slm 102; Jn 8:21-30) sa Martes sa ikalawang linggo ng Kuwaresma.

Napakaraming makasalanan. Pero, bakit turan ang mahihirap na umamin at magsisi sa mga Kumpisalang Bayan ngayong Semana Santa? Ang kasalanan ba nila ay bunsod ng kanilang pagdarahop? Lahat ay uuwi sa alabok, mahirap at mayaman. Sa Diocese of Malolos, may matapang na pari na kinumbida sina Aquino, Abad, Garin, Napoles at Duterte (AAGND) na mangumpisal, aminin at ipagtapat ang mga kasalanan. Magdilang-anghel ka sana.

Sa Pagninilay, ang unang magaganap ay kahihiyan; dahil mapagmataas sila. Pagkatapos ay ang pagbagsak (wala pang lumagapak na muling nakaakyat sa rurok at ang sinasabing phoenix ay panaginip at guni-guni lamang ng Kanluranin).
Ang huli’y kamatayan, na ang banal at makasalanan ay kailangang paghandaan anumang oras.

Bumabaha pa rin ang shabu made in China. Meron na ring marijuana grown in India. Bakit ayaw ibuking ang cocaine na ipinadala sa Makati, Quezon City at Taguig ng Mexican drug cartels? Ang sabi kasi ng ilang narco agents sa kanilang media friends, off the recorrrddd. Hmmph. Baka sangkot ang narco agents (kung pulis nga, dawit din).

Hmmph. Marami ang nag-hunyanggo at naging PDP-Laban sa Caloocan. Halos lahat ng barangay ay DU30 na. Sa unang sumilip sa listahan ni DU30, drogista ang Cancaloo. Para “maalis sa blue book,” unang isinulong ang Pederalismo kahit ang alam ay sinliit lamang ng butil ng kornik. Ngayon, PDP-Laban na sila. Susme! Hinakot pa ang lahat ng kagawad!

Sa 40 araw na Pagninilay sa Kuwaresma, turan paminsan-minsan ang panukalang diborsyo. Bakit ni minsan ay di binatikos o pinaalalahanan ng CBCP ang mga taga-showbiz hinggil sa imoral na relasyon na kanilang ipinagmamalaki pa kesa Diyos? Kapag naganap ang diborsyo, napakalaki ang kapabayaan at kakulangan ng mga obispo. Kung nais ang diborsyo, alisin ang paggalang sa pamilya na nakasaad sa Saligang Batas.

Kailangan ni Grace Poe: mas mabitaminang utak na tagapayo. Semplang ang kanyang mga pagdinig. Kung di ka kukuha ng all-around na de campanilla abogado at PR na may 55% na DA (devil’s advo), naghihintay na sa iyo ang kangkungan. Pagliliming-pagggalang lang yan.

Matagal din namang “nagpahinog” ang ilang lider komunista sa North Caloocan. Bumaba ang kanilang brainwashers mula sa University of the Philippines pero hindi nila nauto ang mahihirap. May benepisyo ba ang NPA sa mahihirap? Nang sumablay ang ilang nauto, di tinulungan ng komunista sa kanilang mga kaso. Kahangalan ang komunismo sa North Caloocan, di ba Kadamay (pa-rally-rally pa kayo sa NHA sa Phase 1, nang walang maagaw na bahay)?

UST (Usaping Senior sa Talakayan; maghanda, magplano): Gumawa ng kasulutan kung sino sa mga asawa ang mamamahala sa bangkay, ang tatayong pangunahing balo sa burol, ang mamamahala sa abuloy (kung meron), paano ang libing, ang una, ikalawa o ikatlong hugos na mamamaalam bago ibaba sa lupa, at kung paano aayusin ang inaasahang sigalot.

PAGBABAHAGI sa Nilayan (Nilay-ugnayan sa Ebanghelyo, Lolomboy, Bocaue, Bulacan): Papasok ka ba sa iyong “Jerusalem,” sa iyong bahay o teritoryo, na sa bandang huli ay uusig sa iyo, aakusahan ng kabulaanan at “papatay” sa iyo? Mas masakit, kamag-anak o kaibigan ang tatanggap at sa huli’y ipagkakanulo sa maling bintang sa ilalim ng ikawalong Utos? Sa Semana Santa, maging handa sa pagdudusta’t pagdurusa para makabangon. Mateo, Juan, Marcos, Pablo, Hari, Pagbubunyag, Zacarias.

MULA sa bayan (0916-5401958): Puwede na naming suportahan ang aming kababayan at kamag-anak na si Janet Napoles, dahil wala na si Noynoy. Bandera, huwag mong ilagay ang CP ko. Recodo, Zamboanga City.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending