IBINASURA ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang resolusyon ng panel of prosecutors na huwag nang isampa ang kaso nina Kerwin Espinosa at Peter Lim dahil walang sapat na ebidensiya.
Si Espinosa ay isang confessed drug dealer at si Lim naman ay pinaghihinalaang drug kingpin ng Cebu.
“I issued an order [voiding] the dismissal of the case so much so that there is no such dismissal anymore,” ani Aguirre.
Yun naman pala!
Inamin kasi minsan ng justice secretary na hindi niya pinakikialaman ang gawain ng National Prosecution Service o NPS, na kinabibilangan ng mga prosecutor—o piskal, ang dating titulo nito—sa buong Pilipinas.
Dapat ay inatasan na ni Aguirre noon pa man ang NPS na ibalik sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang kaso laban sa mga suspek dahil sa kahinaan ng ebidensiya.
Ang CIDG ang siyang nag-imbestiga at nagsampa ng kaso sa Department of Justice (DOJ).
Ang problem kay Aguirre ay hindi siya ginagalang ng mga prosecutors.
Kung bakit, ang mga prosecutors lang ang makakapagsabi.
***
Parang disorganisado o walang samahan ang mga units sa Philippine National Police (PNP) sa isa’t isa.
Bawat unit sa PNP ay kanya-kanya ang trabaho at hindi nakikipag-
ugnayan sa ibang units.
Tingnan mo na lang ang pagsampa ng kasong drugs kina Espinosa, Lim et al.
Ang sabi ng CIDG, di na nila isinama ang pag-amin ni Espinosa sa Senado na siya’y isang big-time drug dealer dahil binawi daw niya ang kanyang pag-amin.
Pero sinabi naman ng Drug Enforcement Group (DEG) noong Martes na may extrajudicial confession si Espinosa sa kanila.
Kung ganoon, bakit di ipinasa ng DEG ang confession ni Espinosa sa CIDG upang magamit na ebidensiya ito?
“Sa kasamaang palad, hindi kami (CIDG at DEG) nabigyan ng pagkakataon na mag-usap. Pero binigay namin ang ebidensiya sa Senado,” ani Chief Supt. Albert Ferro, ang hepe ng DEG.
Ganoon? Kanya-kanya kayo kung magtrabaho at walang pakialam sa isa’t isa?
Anong klaseng organisasyon kayo diyan sa PNP?
***
Ito namang mga prosecutors na humawak ng kaso laban kina Espinosa at Peter Lim, bakit naman di nila ibinalik sa CIDG ang kaso kung mahina ang ebidensiya?
Alam ng mga piskal na naghihintay ang taumbayan sa kahihinatnan ng kanilang imbestigasyon pero ibinasura nila ang kaso.
Ayan, nagalit tuloy ang taumbayan sa dismissal ng kaso!
At sinuntok ni Pangulong Digong ang dinding sa Malakanyang matapos niyang mabalitaan na ibinasura ang kaso laban kina Espinosa at Peter Lim.
Ang problema sa mga piskal, marami sa kanila ay tanggap lang ng tanggap ng kaso na isinasampa ng mga pulis sa kanila at natatakot silang pagalitan ang mga pulis kapag nakita nila na ang kasong isinampa ay gawa-gawa lang o kapritso lang ng mga imbestigador.
Dapat ang pulis ang natatakot sa piskal at hindi ang piskal sa pulis dahil mas mataas ang katungkulan ng huli.
Baligtad ano?
***
Bilang host ng Isumbong mo kay Tulfo, isang radio program na nagsisilbing citizens’ ombudsman o sumbungan, marami na akong nakitang pagkakataon kung saan ang pulis ay nagsampa ng kaso sa walang kadahilanan kundi personal ang motibo.
At yung mga piskal na humawak ng inquest proceedings ay isinampa naman ang kaso sa korte at hindi tinanong ang akusado kung bakit sinampahan siya ng kaso.
Ang isang ehemplo ay ang kasong drug pushing na isinampa kay Nelissa Rulla, na nakita ng imbestigador na kumukuha ng video sa loob ng istasyon.
Pumunta si Nelissa sa Taytay police station kung saan dinala ang kanyang batang kapatid ng mga pulis dahil sa paggamit ng iligal na droga.
Inutusan kasi si Nelissa ng kanyang ina na samahan ang kanyang kapatid sa istasyon upang di mabugbog ng mga pulis na humuli sa kanya.
Lahat ng mga nakausap ng “Isumbong” na mga kapitbahay at kabarangay ni Nelissa ay nagtaka kung bakit siya sinampahan ng kaso sa droga samantalang sinabi nila na matino ang kanyang pagkatao.