SA isang malaking umpukan ng mga taga-showbiz ay nasolo ng isang female personality ang entablado ng chikahan.
Walang kahalong ibang personalidad sa kuwentuhan, siya lang talaga ang naging bida, siyempre’y bumibida rin ang kanyang kamalditahan.
Ibang klase naman pala kasi ang babaeng ‘yun, nakita niya na nga ang mga reporter ay lampas-lampasan lang ang mga ito sa kanyang tingin, feeling sikat na nga ang hitad na babaeng ito.
Kuwento ng aming source, “Ito lang, ha? Paano kung talagang sumikat na ang girl na ‘yun, paano na? E, di lalo pa siyang nagmaangas at nagmaldita? Kung ganito nga lang ang exposure niya, e, ganyan na siya kamaldita, paano pa kapag talagang sumikat na nga siya?
“Napakalaki ng tingin sa sarili niya ng babaeng ‘yun! Sobrang taas ng dating niya, parang siya ang bumibida sa teleseryeng kasali siya, samantalang kabig lang naman siya ng bida!
“Pamparami lang naman siya sa seryeng ‘yun, tatayo ang istorya kahit wala siya, pero kung makaporma siya, e, para bang sa kanya talaga ang ikot ng istorya!” unang kuwento ng isang miron sa umpukan.
Meron daw namang PA na nagpapaalala sa female personality kapag may mga reporters sa paligid, pero wala siyang pakialam, lalampas-lampasan lang niya ang mga manunulat.
“Ewan kung saan humuhugot ng kamalditahan ang babaeng ‘yun! Sobrang KSP! Ilusyunada rin ang hitad na sikat na sikat na siya, kaya ganyan siya kaangas! Sabagay, kung ang mommy nga niya, e, nasisigawan niya sa karamihan ng tao, ibang tao pa kaya ang hindi niya makakayang ganu’nin?
“Sayang na babae, ang kamalditahan niya na rin siguro ang dahilan kung bakit siya hiniwalayan ng dalawang young actor na nakarelasyon niya.
“Hindi rin siguro ma-take ng mga taong ‘yun ang pagiging feeling-sikat niya. Pero nagbabait-baitan na siya ngayon, nagbago na raw ang girl, hindi na raw siya maldita pagkatapos siyang upak-upakan sa social media!
“May kapangalan pa naman siyang sobrang ganda at sikat na Hollywood actress, pero kabaligtaran naman ‘yun ng attitude niya! Hanggang ganyan na lang siya, starlet!
“Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, type n’yo ba ng hopya? Idolo n’yo rin ba ang bayaning sobrang atapang?” pagtatapos ng aming source.