GINAWA ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na state witness ang diumano’y mastermind ng P20-bilyon pork barrel scam.
Bilang state witness, si Napoles ay ginawa ni Aguirre na least guilty o yung pinakamaliit ang partisipasyon sa pinakamalaking scam sa kasaysayan ng bansa.
Si Aguirre lang ang nakakaalam kung bakit niya ginawang state witness si Napoles.
Baka naman gustong ibahagi ni Aguirre ang kanyang nalalaman tungkol sa scam na hindi alam ng taumbayan?
***
Sabi ni Levito Baligod, dating abogado ng primary witness laban kay Napoles na si Benhur Luy, ang desisyon ni Aguirre “lacks perspicacity.”
The Merriam Webster dictionary defines perspicacity as an acute vision or discernment.
Ibig sabihin, matalas ang pag-iisip.
Wala si Aguirre niyan. Siya na yata ang pinakabobo na naupo na justice secretary.
Ang lahat ng mga justice secretary na nakilala ng inyong lingkod na bago kay Aguirre ay matalas ang pag-iisip.
Paano kaya naging valedictorian ng San Beda Law Class 1972 si Aguirre?
Ang class ay kinabibilangan ni Pangulong Digong na umaamin na hindi naman siya magaling sa klase.
***
Ang bagong Navy ensign na si Jawardene Hontoria, valedictorian ng Philippine Military Academy (PMA) Class 2018, ay nagpakasal sa kanyang kasintahan hours after graduation.
Si Hontoria ay anak ng isang mahirap na magsasaka at housemaker.
Di man lang nakapaghintay si Hontoria. Dapat sana ay pinagsilbihan muna niya ang kanyang mga magulang.
Sa malaking suweldong tinatanggap ng mga military personnel ngayon—salamat kay Pangulong Digong—malaking tulong sana sa kanyang mga magulang ang maibibigay niyang pera sa kanila bilang konsuelo.
Mga anak na successful, tandaan sana ninyo ang mga hirap na pinagdaanan ng inyong mga magulang.
***
Tatlong babaeng kadete na nagtapos sa PMA noong Linggo ay napabilang sa Top 10 sa kanilang klase na mahigit 200.
Gaya ng mga nakaraang graduating class ng PMA, maraming babae ang napabilang sa Top 10.
Meron pa ngang pagkakataon na mas maraming babae ang nasa Top 10 sa PMA class kesa sa lalaking kadete.
Mas maraming lalaking kadete, sobra doble, kesa sa babae ang tinatanggap sa PMA.
And yet, mas palaging may babae sa Top 10.
Kahit na sa resulta ng Bar exams, karamihan ng Bar topnotchers ay babae.
Bakit?
Dahil ang babae ay mas matalino kesa lalaki!
Aminin na natin, mga bro.
***
Ang mga nagtapos sa Philippine National
Police Academy (PNPA) ngayon taon ay 106 na kadete.
Ang mga new graduates ay may ranggo na inspector (tenyente o lieutenant sa military) sa Philippine National Police (PNP).
Kung hindi marerendahan ang mga bagong PNPA graduates ng mga nakakataas sa kanila, madadagdagan ang mga abusado at corrupt sa PNP.
Paano naman tuturuan ng mabuti ang mga bagong pulis ng mga nakakatanda sa kanila samantalang yung mga nauna sa kanila sa serbisyo ay abusado at corrupt din?
Ganoon ang kultura sa PNP.
***
Apat na miyembro ng Bulacan PNP ay nanghalay ng isang dalawang buwang buntis sa Meycauayan.
Gagahasain pa sana ng apat na pulis ang dalawang taong gulang na anak na babae kung hindi lang nagmakaawa ang nanay sa kanila.
Paano nakalusot ang mga ito sa neuro-psychiatric test na ibinibigay sa mga police applicants?
***
Doble na ang sueldo na tatanggapin ng mga pulis, gaya ng sa military.
Abusado na, may sueldo pa?