Laro Ngayon (Marso 20)
(Smart Araneta Coliseum)
7 p.m. NLEX vs Magnolia
(Game 6, best-of-7 semis)
PILIT kukumpletuhin ni Magnolia Hotshots head coach Chito Victolero ang hindi nito nagawang tapusin sa nakalipas na tatlong kumperensiya noong nakaraang taon sa paghahangad sa kanyang unang Finals appearance sa Game Six ng kanilang 2018 PBA Philippine Cup best-of-seven semifinals series Martes ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Ganap na alas-7 ng gabi pagtutuunan ng pansin ni Victolero ang importanteng ikaapat na panalo upang hablutin ang pangalawang silya sa finals kontra sa inaasahang makikipagtagisan ng tibay at lakas na NLEX Road Warriors na puwersadong manalo upang maitabla ang serye sa tigatlong panalo.
“We need four wins to go to the finals. So just try to maintain, be consistent on our effort, be consistent on our focus and our mental toughness. May konting advantage, nanalo ngayon, but again di pa tapos ang series,” sabi ni Victolero.
“Wala pa kaming dapat i-celebrate. I told my players we need to bring our teeth on defense. We need to go to our strength, which is our defense. The last two games, kahit nanalo kami nu’ng Game 3, that’s not our game. Iyun ‘yung adjustment namin, kailangan namin ang dumipensa,” sabi pa ni Victolero.
Nakuha ng Hotshots ang 3-2 bentahe sa serye matapos biguin ang Road Warriors, 87-78, Linggo ng gabi.
Tatlong beses na nakatuntong sa semifinals noong nakaraang taon ang koponan ni Victolero subalit tatlong beses din itong kinapos.
May dalawang pagkakataon ngayon ang Hotshots upang makapasok sa championship best-of-seven series sa unang pagkakataon sa ilalim ni Victolero na ang una ay sa Game Six ngayon at ang Game Seven sa Huwebes, kung kinakailangan.
Optimistiko naman si NLEX coach Joseller “Yeng” Guiao na maitutulak pa sa matira-matibay na ikapitong laro ang serye kahit na hindi nito makasama ang isa sa dalawang inaasahan nito na guard na si Kevin Alas na nagtamo ng ACL injury sa unang yugto ng Game 5.
“Gagawin na namin ang aming makakaya para makapuwersa ng Game Seven. Magawa lang namin iyun, masaya na kami,” sabi ni Guiao, na ngayon lang nakapasok sa semis mula nang lumipat sa koponan noong isang taon.
Inaasahan naman na sasandigan muli ng Hotshots sina Mark Barroca, Aldrech Ramos, Paul Lee at Ian Sangalang.
Pangungunahan naman ni Kiefer Ravena ang NLEX na makakatuwang sina Alex Mallari at Raul Soyud.