Korean superstar Song Joong Ki magbibida uli sa historical K-Drama


GOOD news para sa mga tagahanga ng Korean superstar na si Song Joong Ki, na unang minahal ng mga Pinoy sa hit K-Drama na Descendants of the Sun.

Ayon sa ulat, inaalok sa Korean actor ang isang bonggang role para sa isang historical drama.

Kinumpirma ng talent agency ni Joong Ki na pinag-aaralan na ng aktor kung tatanggapin ang bagong proyektong ito na may inisyal na titulong Asadal.

Wala pang detalye kung anong role ang gagampanan ni Joong Ki sakaling tanggapin ang offer.

Ayon pa sa report, sina Kim Young Hyun at Park Sang Yeon ang nagsulat ng script, na siya ring nasa likod ng Deep Rooted Tree noong 2011 kung saan naging bahagi rin si Joong Ki bilang batang hari.

Magiging director naman ng historical drama si Kim Jin Won, na siya ring director ng Innocent Man na pinagbidahan ni Joong Ki at ipinalabas pa sa GMA 7.

Huling napanood si Joong Ki sa blockbuster na Korean drama na Descendants of the Sun noong 2016 na nagsilbi ring comeback series niya matapos ma-discharge sa military.

Napanood din ang Tagalized version ng Descendants of the Sun sa GMA 7 na talagang naging super hit sa mga Pinoy.

Matatandaang sa Descendants din nagkalapit si Joong Ki at ang kanyang misis na si Song Hye Kyo, na nauwi rin sa kasalan noong Oktubre, 2017.

Napanood din si Joong Ki sa Korean film na “The Battleship Island” kasama sina Hwang Jung Min at So Ji Sub.

Siguradong inaabangan na ng milyun-milyong fans ni Joong Ki ang kanyang pagbabalik sa Korean drama.
Pero ang tanong ng kanyang mga supporters, kailan kaya mabubuntis ang kanyang asawang si Song Hye Kyo? This year kaya ay maging tatay na rin siya?

Read more...