Muling pagpapaliban ng barangay election aprub na sa Kamara

  Inaprubahan na ang Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala na ipagpaliban sa Oktubre 8 ang Barangay Election sa Mayo 14.
    Sa botong 211-29 at walang abstention, inaprubahan ng Kamara ang panukala.
    Pero makalipas ang ilang minuto, sinabi ng presiding officer na si House Deputy Speaker Fred Castro na itinama ng House Secretariat ang resulta ng botohan at sinabi na ito ay 164-27 at walang abstention.
    Sinabi ni House committee on suffrage and electoral reforms chairman at CIBAC Rep. Sherwin Tugna na bahala na ang Senado kung nais nitong magpasa ng kaparehong panukala.
      Wala namang kaparehong panukala sa Senado na kailangan upang maipadala ito sa Malacanang at napirmahan ng Pangulo upang maging isang batas.
      Hanggang sa Miyerkules na lamang ang sesyon ng Kongreso bago ang Holy Week break nito. Muling magbubukas ang sesyon sa Mayo matapos ang Barangay election.
    Sa ilalim ng House bill 7378 muling ipagpapaliban ang Barangay elections sa ikatlong pagkakataon.
    Kung maisasabatas, magsisimula ang termino ng mga mananalo sa eleksiyon sa Oktubre sa Nobyembre 30. Ang mga kasalukuyang nakaupo naman ay mananatili hanggang sa nakaupo na ang mga bagong halal.
      Nakasaad din sa panukala na matapos ang eleksiyon sa Oktubre ang susunod ay sa ikalawang Lunes ng Oktubre 2021 at tuwing ikatlong taon matapos ito.

Read more...