HINDI na napigilan si Ronald Oranza na opisyal na itala ang sarili nitong kasaysayan matapos isuot ang prestihiyo bilang bagong kampeon sa Ronda Pilipinas 2018 sa pagpapakita ng isa sa pinakadominanteng pagsikad sa walong taong kasaysayan ng karera na pinanood ng marami sa Filinvest, Alabang Linggo.
Nasiguro mismo ang korona at ang parte sa kasaysayan ng Ronda, hindi pa rin nagpabaya ang tubong-Villasis, Pangasinan na si Oranza sa pagpapakita ng matinding pagsakay tulad ng ginawa nito sa buong karera upang tumapos na ikalawa sa likod ni Stage 12 criterium winner Jan Paul Morales at manguna kay Junrey Navara sa naging all Navy-Standard Insurance podium finish sa pagtala ng isang oras, 28 minuto at 15 segundo.
Matapos ang 12 mapanghamon na yugto na nagsimula sa Vigan, Ilocos Sur ay nakatipon si Oranza ng kabuuang oras na 34:11:23 upang pangunahan ang lahat ng kalahok kabilang na si Morales, na tinanghal na kampeon sa nakalipas na dalawang edisyon, na nagkasya sa ikalawang puwesto sa nalikom na 34:22:56.
Makalipas ang matinding labanan ay naging saksi sa selebrasyon ni Oranza ang maraming nanood sa karera kasama na sina Ronda Executive Project director Moe Chulani at Standard Insurance president Ernesto Echauz para isara ang karerang hatid ng LBC at suportado ng MVP Sports Foundation, Filinvest, Philippine Rabbit, CCN, Petron, Versa.ph, 3Q Sports Event Management, Inc., Boy Kanin, Franzia, Standard Insurance, Bike Xtreme, SH+, Guerciotti, Prolite, Green Planet, Maynilad, NLEX Sports, Lightwater, LBC Foundation at PhilCycling.
Dahil sa kanyang pagsisikap ay mabibiyayaan si Oranza ng P1 milyon kasama ang P300,000 mula sa Boy Kanin at ang tropeo at silya sa eksklusibong grupo ng mga kampeon sa Ronda na binubuo ng two-time winner na sina Morales at Santy Baranchea ng Team Franzia, Irish Valenzuela ng CCN Superteam, Mac Galedo at Reimon Lapaza.
“Wala akong ibang nararamdaman ngayon kundi kasiyahan,” sabi ng 25-anyos na si Oranza.
Kinumpleto ni Oranza ang dominasyon matapos agawin ang overall lead simula sa ikalawang yugto at pagtala ng siyam na podium finish kabilang ang panalo sa Stage One sa Vigan, Stage Two sa Pagudpud at Stage Seven sa Tarlac.
Ang 26-anyos na ipinagmamalaki ng General Santos na si Navara ay tumapos na ikatlo (34:33:06) kung saan inuwi rin nito ang ikaapat na CCN King of the Mountain trophy habang si Morales ay idinagdag ang Petron Sprint King award sa kanyang koleksyon.
Ang Navy pa rin ang tinanghal na kampeon sa Versa team race sa itinala na 135:13:47 sa ibabaw ng Army-Bicycology (136:56:19), ang koponan na suportado ni dating Philippine Sports Commission at Games and Amusement Board chairman Eric Buhain, sa 136:56:19 at ikatlo ang Go for Gold Developmental team (136:59:26).
Tanging naagaw ni Go for Gold Developmental team Jay Lampawog ang award na hindi nasungkit ng Navy sa pagsungkit nito sa MVP Sports Foundation Young Rider winner.
Tumapos si George Oconer ng Go for Gold na ikaapat na overall (34:38:15), Jhon Mark Camingao ng Navy sa fifth (34:39:30) at Army-Bicycology Cris Joven sa sixth place (34:41:21).
Ang nasa Top 10 ay sina Boots Ryan Cayubit ng Go for Gold (34:43:50), El Joshua Cariño ng Navy (34:45:32), Lampawog ng Go for Gold Developmental team (34:48:03) at Rudy Roque ng Navy (34:49:52).