Taon nang nakatengga ang PAF modernization program

SA tuwing may sasakyang panghimpapawid ang Philippine Air Force na nasasangkot sa aksidente, mauuwi at mauuwi ang talakayan sa kung ano na nga ba ang nangyari sa modernisas yon ng PAF.
Ang pinakahuling insidente ng pagbagsak ng PAF OV-10 sa karagatang sakop ng Puerto Princesa, Palawan ay tiyak na mauuwi sa ganitong usapin. Oo naman, iba ang usapin sa kung bakit ito bumagsak, iba’t iba ang sirkumstansiya sa bawat insidente, subalit, may iisang magkakatulad na impormasyon: Ang katotohanan na hanggang ngayon ay gumagamit pa rin ng ganitong uri ng sasakyang panghimpapawid ang PAF.
At dahil tila ang kuwentong ito ay nangyari at nabasa ninyo na, ang mas nandudumilat ay ang katotohanang matagal nang naikasa ang planong modernisasyon ng sangay na ito ng tanggulang pambansa.
May mga konkretong hakbang na isakatuparan na ang matagal ng planong ito. Ang aksidente sa Palawan ay panibagong paalala na kailangan na ngang ipatupad ito.

Informal settlers, dwellers, whatever term or reference one attaches to this particular community, the one truth that should not be left behind in any credible plan to relocate them is that they are human beings.
Paumanhin, subalit, kadalasan, sa pagmamadaling malapatan ng solusyon ang isang itinuturing na problema, nalilimutan na ang pinatutungkulan ng plano ay mga indibidwal, mga kapwa tao natin.
Nasabi ko ito dahil sa ang kadalasan namang suliranin ng anumang plano o pagpapatupad ng relokasyon ay ang kakulangan kundi man kawalan ng mga pasilidad na makakaagapay ng mga pamilyang ililikas sa kanilang pagsisimulang muli.
Kung bakit ayaw umalis ng marami sa mga ito ay dahil sa katotohanang mula sa kanilang tinitirahang barung-barong, malapit ang kanilang trabaho, malapit sa paaralan ng kanilang mga anak, malapit sa konsepto o kaisipan nila ng normal na buhay.
Kung uugatin naman kasi, bakit nga ba sila nagsisiksikan dito sa Kamaynilaan? Hindi ba dahil sa wala silang hanapbuhay sa lalawigang kanilang pinanggalingan?
Kung bakit kailangang tiyakin ng pamahalaan na matutugunan ang pangangailangan ng mga pamilyang ito na kailangan nang ilipat ng mga matitirahan upang ganap nang malinis ang mga taal na daluyan ng tubig, ay dahil sa katotohanang doon sa lalawigang kanilang pinagmulan, marami sa kanila ang hindi na naramdaman ang kamay ng pamahalaan.
Dito sa Kamaynilaan, sa mataong gubat na sila’y nakipagsapalaran, marahil ay nararapat na maramdaman na nila ang kamay ng pamahalaan.
Ibang katotohanan din naman sa isang banda ang isa pang tugon sa katanungan kung bakit sila nanatiling matagal sa lugar na iyon sa kabila ng paulit-ulit na panganib na nakaumang sa kanilang paninirahan.
Eh kasi si mayor, eh kasi tatlong taon lang eleksiyon na naman. Paano na ang boto?

Si Arlyn De la Cruz ay mapakikinggan din araw-araw sa Radyo Inquirer 990AM mula alas-6 hanggang alas-9 ng umaga sa programang Banner
Story.

Read more...