Finals berth target ng San Miguel Beermen


Laro Ngayon
(Cuneta Astrodome)
6:30 p.m. San Miguel Beer vs Brgy. Ginebra (Game 5, best-of-7 semifinals)

MAKATUNTONG sa ikaapat na sunod na all-Filipino conference finals ang hangad ng San Miguel Beer kontra Barangay Ginebra sa Game 5 ng kanilang 2018 PBA Philippine Cup best-of-seven semifinals series ngayong gabi sa Cuneta Astrodome, Pasay City.

Asam ng Beermen na tuluyan nang tapusin at agad pagsarhan ng pintuan sa ganap na alas-6:30 ng gabi ang Gin Kings sa pagtatangkang maisagawa ang pangsungkit sa ikaapat na panalo na magtutulak dito upang itala ang ikaapat na sunod na pagpasok sa pangtitulong labanan.

“Ang gandang regalo noon,” sabi ni San Miguel Beer coach Leo Austria matapos makamit ang paunang regalo noong isang araw bago nito iselebra ang kaarawan sa pagdomina ng Beermen sa Gin Kings sa Game Four, 102-81.

Bumalikwas ang Beermen sa masaklap na kabiguan sa Game Three upang itala ang 3-1 bentahe sa kanilang serye at halos abot kamay na lamang na abutin ang makasaysayang ikaapat na diretsong pagtuntong sa best-of-seven championship series at posibleng rekord na ikaapat na sunod na korona.

Gayunman, hindi nagpapakasiguro si Austria kahit hawak ng Beermen ang tatlong pagkakataon na masungkit ang isang silya sa kampeonato hanggang hindi nasusungkit ang kailangan na ikaapat na panalo.

“Anything is still possible. We cannot relax,” sabi ni Austria, na isinelebra ang kanyang ika-60 kaarawan kung sigurado na nitong maibubulsa ang silya para sa titulo. “We lost a 3-1 lead to Ginebra while I was still a player at (defunct) Shell,” matinding pag-aalala ni Austria.

Isinagawa ng Beermen ang matinding paglalaro sa krusyal na laban kontra sa Gin Kings kung saan naging saksi ang kapwa alamat sa dalawang koponan na sina Robert Jaworski Sr. at Ramon Fernandez sa aksidenteng pagkikita.

Si Jaworski, na orihinal na nakikilala bilang coach at heart and soul ng Ginebra, ay nagbigay suporta sa kanyang dating hawak na koponan habang si Fernandez, na dating sentro sa San Miguel Beer at kasalukuyan naman na Philippine Sports Commissioner, ay kapwa inimbitahan ni PBA commissioner Willie Marcial.

Hindi naman napigilan ng madramang tagpo ang Beermen upang tuluyang biguin ang pagnanais ng Gin Kings na maitabla ang serye. Matatandaang nagawang pigilan ng Gin Kings sa Game Three, 95-87, ang Beermen.

Inaasahang sasandigan ng Beermen si Marcio Lassiter na naghulog ng limang 3-pointers para sa kabuuang 23 puntos upang pamunuan ang anim na iba pa sa pagtatala ng double figures sa pagsungkit sa panalo.

Aasahan naman ng Gin Kings na muling makakuha ng eksplosibong laro kina Japeth Aguilar na naghulog ng 31 puntos at LA Tenorio na nag-ambag ng 20 puntos.

Nagtala si June Mar Fajardo ng 14 puntos at 13 rebounds sa isa pang double-double na laro habang nagtala rin si Matt Ganuelas-Rosser ng sarili nitong double-double sa 12 puntos at 10 assists. Si Alex Cabagnot ay may 19 puntos dagdag ang walong assist at limang steal habang si Arwind Santos ay may 16 puntos at siyam na rebound.

“Of course we will go for it (series-clinching win in Game 5), because we would need to get all the rest we can (for the Finals),” sabi pa ni Austria.

Read more...