Nasaan na sila ngayon?

DAHIL sa tagal kong pagsusulat ng sports at sa dami ng mga atleta na na-interview ko, hindi mawawala ‘yung paminsan minsan ay naitatanong ko sa sarili ko kung nasaan na nga ba ang mga basketball players na na-interview ko noong nag-uumpisa pa lang ako sa industriya.
Hindi pa ako qualified na makabilang sa members ng press na pinayagan mag-cover ng “closed door” finals sa pagitan ng defending NCAA champions Ateneo de Manila Blue Eagles na kinabibilangan nina Fritz Gaston, Steve Watson, Joy Carpio, Padim Israel, Bambi Kabigting at Chito Narvasa laban sa San Beda Red Lions na ipinagmamalaki naman sina Chuck Barreiro, Chito Loyzaga at JB Yango.
Ito ‘yung time na matindi ang karibalan ng mga basketball fans ng dalawang teams na ito kaya nga pinagbawalan silang manood ng finals na kung saan sinurpresa ng San Beda ang Ateneo at di nga natupad ang three-peat dreams ng Blue Eagles.
Nasaan na nga ba ang mga players na ito?
Nakadalaw ako sa Hawaii noong isang buwan at inampon ako doon ni Chuck Barreiro at asawa niyang si BJ na isang purser sa PAL.
Si Chuck ay 30 years nang nakatira sa Honolulu at dati niyang pinamahalaan ang horse ranch ni business tycoon Enrique Zobel.
Napuntahan ko rin ang ranch na iyon siguro mga 20 years ago.
Si Chuck, salamat sa Diyos, ay isang survivor ng prostate cancer noong 2015 pero ngayon na 62 na siya ay medyo may ibang mga sakit na ring nararamdaman ang aking kaibigan.
Napagkuwentuhan namin ang tungkol sa ‘good old days’ niya sa NCAA at MICAA.
Actually, mas sumikat siya sa amateur lalo na sa San Beda at sa YCO days sa MICAA kaysa sa PBA kung saan naglaro siya ng ilang taon sa Tanduay.
Sa dami kasi ng guard sa Tanduay ay hindi siya nabigyan ng mahabang playing time. Pero bago siya nag-pro, nakapaglaro sa national team si Chuck sa 1978 Pesta Sukan. Nag-back-to-back champion din ang San Beda sa NCAA pero tinalo sila ng La Salle sa third attempt nila.
Pinasok din ni Chuck ang coaching at nakapanalo siya ng title para sa ESQ sa PABL noon. Babalik pa nga sana siya sa PBA pero na-injure naman ang tuhod niya at doon siya kinuha ni Zobel bilang coach.
Balak pa rin naman niyang dito sa Pilipinas mag-retire kasama ang misis niya pero sa ngayon ay sa Hawaii muna siya.
Si JB Yango naman, na natigil ang PBA career dahil sa injury, ay napunta sa pulitika sa Cuyapo, Nueva Ecija.
Nanalo at natalo sa pulitika at sa kasamaang palad ay naubos daw ang ipon niya noon sa pagpapagamot ng kanyang asawa.
Nanatili naman sa mundo ng Philippine sports si Chito Loyzaga matapos ang isang successful PBA career.
Ngayon ay nasa athletics department siya ng National University at nagkasama rin kami sa Philippine Sports Commission (PSC) noong commissioner siya roon noong 2011-12.
Ginawa rin namin ang libro ng tatay niyang si Caloy ilang taon na ang nakalipas.
Sa Ateneo side naman ay kare-retire lang daw ni Steve Watson sa SkyCable na kung saan isa siyang senior executive doon.
May pamilya na rin itong Fil-Australian na si Padim Israel na kilabot ng mga babae noong kabataan niya. Nagulat ang karamihan nang maging pastor siya pero retired na rin siya ngayon at papasyal pasyal na lang kasama ang asawang si Rio Locsin.
Well, hanggang dito na muna ang kuwentuhan natin at ubos na ang ispasyo ng kolum ko.
Next time uli.

Read more...