Dinampot ng mga otoridad ang 14 Vietnamese national na nahuling iligal na nangingisda sa bahagi ng dagat na sakop ng Paluan, Occidental Mindoro, ayon sa pulisya.
Nadakip ang mga banyaga dakong ala-1 ng umaga Miyerkules, at ngayo’y nasa Mamburao, sabi ni Supt. Imelda Tolentino, tagapagsalita ng MIMAROPA regional police.
Nagsasagawa ng seaborne patrol ang mga miyembro ng Paluan Police, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, Army 76th Infantry Battalion, at lokal na Bantay Dagat nang maispatan ang mga banyaga, na sakay ng dalawang bangka, aniya.
“The suspects… [were] in the act of poaching in territorial waters of Paluan,” ani Tolentino, gamit bilang basehan ang ulat na nakarating sa kanyang tanggapan.
Sa inisyal na pagtatanong, nakilala ang mga banyaga sa unang bangka (PY96418TS) bilang ang kapitang si Long, engine man na si Huy, at crew members na sina Twan, Teo, Quang, Minh, at Phu.
Nakilala ang mga nasa ikalawang bangka (PY91054TS) bilang ang kapitang si Huang, engine man na si Binh, at crew members na sina Tuan, Huy, Hung, Kinhao, at Hiew.
Nasa kostudiya ngayon ng Mamburao Police Station ang mga banyaga habang hinihintay ang kasunod na aksyon ng BFAR, habang ang kanilang mga bangka’y dinala sa Tayamaan Port, doon din sa Mamburao.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending