Nagpalala sa sunog ang malakas na hangin, kawalan ng sapat na suplay ng tubig at makikipot na iskinita sa Laong Compound, Barangay Almanza Uno, na kumalat pa sa kalapit na Sampaguita Compound sa Barangay Pilar Village.
Sa isang ulat ni Senior Insp. Pena Borlad, ground commander ng Bureau of Fire Protection ng Las Piñas, sinabi niya na nagsimula ang sunog ganap na alas-2:54 ng umaga sa bahay ng Marilyn Cura sa Phase 1 ng Laong Compound habang nagluluto siya ng kanin gamit ang kahoy.
Umabot ang sunog ng ika-limang alarma, ganap na alas-5 ng umaga, na kumalat sa iba pang bahay sa isang squatters area sa likod ng compound ng isang mall.
Naapula ang sunog ganap na alas-7:02 ng umaga kung saan naabo ang 575 bahay na nagkakahalaga ng P1.5 milyon.
Nagtamo ng bahagyang sunog ang isang lalaki sa kanyang braso matapos namang tangkaing isalba ang kanyang mga ari-arian.
Hinimatay naman ang isa pang lalaki nang makitang nasusunog ang kanyang bahay.