MAS lalo pang magiging makahulugan at kapana-panabik ang G Diaries sa paglulunsad ng “The Quest for LOVE,” isang kumpetisyong nais matulungan ang mga komunidad sa bansa na makapagsimula ng matagumpay at pangmatagalang mga negosyo. Mapapanood ang “The Quest for LOVE” ngayong Hulyo sa programa sa ABS-CBN.
Inanunsyo ni Gina Lopez, kasama ang mga opisyal ng mga katuwang na organisasyon sa pangunguna nina Sen. Loren Legarda, Department of Public Works and Highways Sec. Mark Villar, at Department of Science and Technology Sec. Fortunato Dela Peña nitong nakaraang Huwebes sa Rockwell Club sa Makati ang bagong proyektong ito na pagsasanib-pwersa ng gobyerno at ng pribadong sektor para palaganapin ang kaunlaran at pangangalaga sa kalikasan.
Sa pamamagitan ng “The Quest,” ang Investments in Loving Organizations for Village Economies (ILOVE) Foundation na itinatag ni Gina, at mga katuwang nito tulad nina Loren, Fernando, at Eugenio, ay makakapagbigay ng pinansyal at teknikal na suporta sa walong organisasyon upang gawing mga lugar para sa agro-forestry, fishery, o ecotourism ang mga komunidad.
Maaaring sumali ang mga kooperatiba, mga foundation, samahan, social enterprises, at non-government organizations.
Una, 16 na organisasyon ang pipillin mula sa mga nagdala ng entry online base sa kanilang pamunuan, track record, at maaaring maging epekto sa komunidad. Pagkatapos nito ay sasabak sila sa training kung saan ipapakita ng bawat grupo ang kanilang mga plano sa isang panel ng mga hurado.
Mula sa kanila, walo ang pipiliin para sumailalim sa mas matinding training. Tatanggap din ang walong grupo ng tig-P100,000 at iba pang suportang pinansyal at teknikal mula sa gobyerno.
Nakiisa rin sa paglunsad ng “The Quest for LOVE” sina Department of Tourism Assistant Sec. Reynaldo Lacao Ching, Department of National Defense Undersecretary Cesar Yano, Department of Social Welfare and Development undersecretary Malou Turalde, Department of Trade and Industry assistant secretary Amina Fajardo at TESDA director Sonia Lipio.
Mapapanood sa darating na Hulyo sa G Diaries ang walong grupong mapipili at ang kanilang magiging karanasan sa kompetisyon.
Ani Gina, nais niyang patunayan na walang imposible kapag nagtutulungan ang bawat isa. “Gusto kong ipakita na pwede pala, kaya pala,” aniya.
Samantala, sa episode nitong nakaraang Linggo, umikot si Gina kasama ang mga miyembro ng “G Squad” na sina Gretchen Ho, Ford Valencia, Niel Murillo, Joao Constancia, Russell Reyes at Tristan Ramirez ng BoybandPH sa Lobo, Batangas.