IDINAGDAG ng Philippine Navy-Standard Insurance sa koleksyon ang Team Time Trial na Stage Eight matapos nitong dominahin ang ‘race against the time’ na yugto Linggo upang tuluyang maiwanan ang mga kalaban sa Ronda Pilipinas 2018 na nagsimula sa provincial capitol at natapos sa Tarlac Recreational Park sa San Jose, Tarlac.
Binitbit ng red LBC leader’s jersey holder na si Ronald Oranza at ang defending back-to-back champion na si Jan Paul Morales ang Navymen tungo sa pagwawagi sa 42.1km yugto sa isinumite na 56.17 minuto o mahigit na tatlong minuto na malayo sa kasunod na Go for Gold Developmental Team.
Ang Army-Bicycology, na pinamumunuan ni Cris Joven, ay tumapos sa ikatlo sa 1:00:10 oras sa karerang hatid ng LBC at suportado ng MVP Sports Foundation, Filinvest, Philippine Rabbit, CCN, Petron, Versa.ph, 3Q Sports Event Management, Inc., Boy Kanin, Franzia, Standard Insurance, Bike Xtreme, SH+, Guerciotti, Prolite, Green Planet, Maynilad, NLEX Sports, Lightwater, LBC Foundation at PhilCycling.
Matapos ang walong nakakapagod na yugto at nalalabing apat ay hindi na mapapatalsik pa ang Navy sa liderato sa kabuuang oras na 82:19:52 sa unahan ng Go for Gold Developmental Team (82:52:24) at ikatlo na Army-Bicycology (82:52:24).
Mismong si Morales, na siya rin team captain ng koponan, ay sinisigurado na nito na tapos na ang karera.
“Sigurado na sa amin na ang titulo,” sabi ni Morales.
Bahagyang nakaramdam ng problema ang Navy matapos itong tumapos lamang na may apat na rider sa finish line na binubuo nina Oranza, Morales, Junrey Navarra at Archie Cardana.
Hindi na kasali sa karera si Ronald Lomotos matapos itong madiskuwalipika sa Stage Seven Individual Time Trial nakaraang araw dahil sa pagbuntot kay Morales matapos na maiwanan ang trabaho kina John Mark Camingao, Rudy Roque at El Joshua Cariño.
Gayunman, kumpleto na ito para selyuhan ang panalo.
“Ang ikaapat na rider naman ang mabibilang sa TTT kaya kinailangan namin bitbitin si Cardana sa finish line,” sabi ni Morales.
Ang karera na may nakatayang P1 milyon para sa individual champion ay magpapahinga ng tatlong araw bago magbalik sa Huwebes para sa 207.2km Silang-Tagaytay Stage Nine.
Magtatapos ang karera sa 147.8km Tagaytay-Calaca Stage 10 sa Biyernes, sunod ang 92.72km Calaca-Calaca Stage 11 sa Sabado at ang Stage 12 na Filinvest criterium sa Linggo.