Mga Laro Ngayon
(The Arena)
12 nn. JRU vs MIT (jrs)
2 p.m. Lyceum vs San Beda (jrs)
4 p.m. JRU vs MIT (srs)
6 p.m. Lyceum vs San Beda (srs)
Team Standings: San Beda (1-0); Letran (1-0); St. Benilde (0-1); San
Sebastian (0-1); Jose Rizal (x-x); Mapua (x-x); Lyceum (x-x); Perpetual Help (x-x); Emilio Aguinaldo (x-x); Arellano (x-x)
SOLO liderato ang balak hawakan ngayon ng three-time defending champion San Beda sa pagharap sa Lyceum sa pagpapatuloy ng 89th NCAA men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Galing ang Red Lions sa mahigpitang 71-70 panalo sa kinapos na host St. Benilde noong Sabado sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City. Ang laro ang tampok na sagupaan sa quadruple-header sa ganap na alas-6 ng gabi.
Dalawang laro sa juniors division ang mauunang mapapanood at magtutuos ang Jose Rizal University at Mapua sa ganap na alas-12 ng tanghali bago sundan ng bakbakan ng Lyceum at San Beda dakong alas-2 ng hapon.
Ang unang seniors game sa ganap na alas-4 ng hapon ay sa pagitan ng Heavy Bombers at Cardinals. “It was a lucky win,” wika ng bagong San Beda head coach Teodorico “Boyet” Fernandez na nanalo sa Blazers dahil sa magandang inbound play sa pagitan nina Rome dela Rosa at Art dela Cruz sa huling 4.7 segundo ng laro.
Walang duda na naroroon ang magandang samahan ng Red Lions dahil mga beterano ang players nito pero kung may isang bagay na nais na makita ngayon ni Fernandez, ito ay ang mas magandang free throw shooting at mas magandang diskarte lalo na sa endgame.
Kailangan nila ito dahil ang Pirates ay balak na magbigay ng mas magandang laban sa taong ito matapos mangulelat sa 88th season sa 3-15 baraha. Kinuha rin ng Lyceum ang serbisyo ni Barangay Ginebra coach Alfrancis Chua para palakasin ang bench sa hangaring makapitong panalo sa season.
“Hindi kami kalakihan pero ang mga players namin ngayon ay lumaki at mas malalakas ang katawan. Na-quarters din sila mula April kaya’t mas maganda ang kanilang samahan. Hopefully ay lumabas agad ito dahil kalaban namin ang San Beda,” ani ni Tan na aasa sa mga beteranong sina Shane Ko at Dexter Zamora.
Mag-uunahan naman sa unang panalo ang Heavy Bombers at Cardinals na parehong magpaparada ng halos bagong lineup.
Sina Philip Paniamogan at Michael Mabulac ang mga beteranong aasahan ni JRU coach Vergel Meneses.