DA who ang isang opisyal ng isang ahensiya na binigyan ng scholarship bilang graceful exit para sa kanya.
Balitang-balita ngayon na ilang buwan na lang mananatili ang isang mataas na opisyal dahil sa kalagitnaan ng taon nakatakda na siyang mangibang bansa para sa kanyang scholarship program.
Kilalang-kilala ang opisyal na walang makasundo sa ahensiyang kanyang kinabibilangan.
Dahil sa kakaibang pag-uugali ng opisyal, ayaw siyang makatrabaho ng karamihan.
Sa ngayon boss niya ang isang bagong saltang mas mataas na opisyal na kilala naman sa kanyang ambisyon.
Na-promote na ang lahat mga kasabayan ng opisyal at bukod tangi siya lamang ang nananatili sa kanyang posisyon.
Nasibak naman ang dating boss niya, bagamat binigyan ng bagong departamento.
Sa ngayon kasi, halos wala nang trabaho ang opisyal bagamat napakalaki ng kanyang opisina.
Bagamat nabawasan na ang kanyang staff, halos wala na siyang pinagkakaabalahan.
Inilipat na kasi ang kanyang dating trabaho sa isa pang opisyal kayat ang pagbuntot sa kanyang bagong boss ang tanging ginagawa.
Balik tayo sa scholarship ng opisyal, medyo maganda ang bansang kanyang pupuntahan kayat hindi na rin siya lugi sa inalok na graceful exit.
Ngayon pa lamang ay nagdiriwang na ang mga opisyal at empleyado sa kanyang pag-alis at siguradong hindi siya mami-miss.
Gusto nyo ba ng clue?
Kilalang isa ang opisyal sa mga mahilig mag-junket kapag biyahe ni Pangulong Duterte.
Kahit pa wala siyang gagawin sa mga official travel ng presidente lagi siyang nakabuntot kasama ang iba pang mga opisyal na ang kanilang inuuna ay ang pamamasyal at pagsa-shopping.
Kilala nyo na ba ang opisyal na tinutukoy ko?