NABIGONG makapasok sa Top 4 si KZ Tandingan sa huling performance niya sa biggest singing competition sa China, ang Singer 2018.
Sa kabila ng matinding performance ng Asia’s Soul Supreme with her version of Sheryl Crow’s “Real Gone”, hindi pa rin siya pinalad na makakuha ng puwesto sa Top 4.
In fairness, hataw kung hataw pa rin si KZ sa kanyang production number na talagang ikinatuwa uli ng mga Chinese. Sa katunayan, nagtayuan pa ang audience sa studio at nakikanta at nakisayaw pa sa kanya.
Nag-rap muli siya sa Tagalog at tumugtog pa ng electric guitar. Bahagi ng kanyang Tagalog rap, “Come on everybody sa akin ay sumabay, sama sama sumayaw at itaas ang mga kamay!”
Samantala, hindi na nakapag-perform ang isa sa mga kalaban ni KZ sa contest, ang idol niyang si Jessie J. Kinailangan daw kasi nitong bumalik sa London dahil bigla itong nagkasakit. Pero babalik din daw ito sa China para sa next episode ng Singer 2018.