GRABE pala ang ginawang pamba-bash ng mga netizen kay Sen. Manny Pacquiao nang magkamali ito sa pagsasabi ng titulo ng Pambansang Awit ng Pilipinas.
Sa halip kasi na “Lupang Hinirang” ay “Bayang Magiliw” ang nasabi nito sa isang interview na may koneksyon sa plano niyang gumawa ng batas na magsusulong sa pagiging makabayan ng bawat Pilipino.
“May naisip nga ako, gusto kong magpanukala, mag-file dito sa Senate ng bill na ibalik ‘yung patriotism natin sa school. Kasi, nawala na, eh. Karamihan sa atin, Pilipino magtraydor sa kanyang kapwa at magtraydor sa kanyang bansa. So, we should teach that, ‘yung patriotism na mayroon tayong loyalty sa ating bansa.
“Kaya nga minsan, pag kumakanta ako ng ‘Bayang Magiliw’, naiiyak ako because mahal natin ang bansa natin dahil dito tayo, anuman ang mangyari, wala tayong ibang pupuntahan kungdi dito rin,” ang sabi ni Pacman sa napanood naming video clip ng kanyang interview na naka-post sa Twitter.
Dito na inokray ng mga netizens ang senador, sabi ng ilang nakapanood ng video, paano raw naging makabayan ang Pambansang Kamao kung ang title ng National Anthem ng bansa ay hindi niya alam.
May nagsabi rin na napaghahalata raw na hindi alam ni Pacquiao ang kanyang mga sinasabi dahil sa titulo nga lang ng Pambansang Awit ng Pilipinas ay hindi pa niya nasabi ng tama.
Komento naman ng isang netizen, “Kayo naman, masyadong mapagpuna. Parang Mayong Bulkan lang yan ni Mocha. In other words, ‘slip of the brain.’”
Sey naman ng isa pang basher ng senador, “Ay grabe siya oh! Naiiyak ako kasi Bayang Magiliw ang alam mong National Anthem. Pakantahin kaya natin siya ng Bayang Magiliw, kabisado kaya niya ang buong lyrics?”
May nagtanggol din naman kay Pacman sa kanyang pagkakamali, “Perfect kasi kayo, di ba? Ang tatalino n’yo, e! Kahit naman tayo, minsan nagkakamali rin sa Bayang Magiliw. Hindi naman ibig sabihin, nagkamali sa title wala nang alam!”