Richard, Maricar payag ba sa in vitro o mas type mag-ampon?

MARICAR REYES AT RICHARD POON

NAGMAMADALING umalis si Richard Poon pagkatapos ng Cornerstone Concerts media conference kamakailan – nami-miss na raw kasi niya ang asawang si Maricar Reyes.

Isa si Richard sa pioneer artist ng Cornerstone Entertainment na pag-aari ni Erickson Raymundo na magse-celebrate na ng kanyang ika-10 anibersaryo ngayong taon.

Bago siya umalis ng venue ay hinarang namin siya para makakuwentuhan dandali, ilang taon na rin kasi ang nakalipas nang huli kaming mag-tsikahan.

“Nami-miss ko na ang asawa ko, eh (kaya nagmamadali nang umalis)!” nakangiting sabi sa amin ni Richard.

Lagi ba siyang naiiwan sa bahay? “Well, minsan may shoot, hindi naman nawawalan ‘yun (ng trabaho),” katwiran ng mang-aawit.

Hindi naman talaga nawawalan ng teleserye si Maricar, huli siyang napanood sa La Luna Sangre kung saan gumanap siya bilang Samantha. At ngayon ay kasama rin siya sa epic-seryeng Bagani.

“Yung Bagani na-tape na pero mayroon pa siyang mga scenes, feeling ko, baka medyo mawala siya nang matagal-tagal. Tingin ko naka-schedule siya,” kaswal na kuwento ng hubby ni Maricar.

Sundot namin since laging may project si Mrs. Poon, paano na ang plano nilang magka-baby? “Kaya nga may limited schedule slot lang, hindi siya ‘yung dire-diretso. Parang sa La Luna rin, parang lumabas siya 10 (taping days), pero ang naibigay niya 16 (days). Baka ganu’n din sa Bagani, ilang episodes din at baka meron pa, may limit naman, so mako-control naman,” kuwento ni Richard.

At dahil apat na taon nang kasal sina Richard at Maricar ay hindi ba nila naiisip ang in vitro fertilization? “Well may nagsasabi, pero kami pinag-usapan namin, una healthy kaming dalawa, nagpadoktor kami, okay naman pareho. Nu’ng may family friend kami na nag-bring up, ito ‘yung price, i-try ninyo.

“Parang sabi ko, ‘Hon, gusto mo ba?’ Pinag-usapan namin na natural lang kami, kasi in God’s time darating naman ‘yun. Hindi naman natin puwedeng ipilit so just do on our part, responsibilidad natin, tapos if it comes, it comes. Hindi naman tayo incomplete kapag wala (baby),” katwiran ni Richard.

Sa madaling salita, walang timeframe kung hanggang kailan sila maghihintay? “So far, wala pa kaming napapag-usapan, pero one to two years from now, okay lang, natural course pa rin.”

***

Kung hindi pa nila kaya ang in vitro fertilization, how about adoption? “Somebody mentioned that and I brought it up with her, hindi pa strong ‘yung decision niya. Magandang idea sabi niya, pero hindi ganu’n ka-strong para masabing, ‘tara mag-adopt tayo.’ Pero wala namang masama du’n.”

Katwiran namin, parang mas okay naman ang in vitro dahil sarili mong fertilized eggs ang gagamitin sa surrogate mother kumpara sa adoption na hindi mo kilala kung sino ang magulang ng bata.

“Iba-ibang pananaw, eh. ‘Yung nagsabi sa amin, nag-adopt sila kasi hindi sila magkaanak. Tapos nu’ng nag-adopt sila saka sila nagka-baby. Nu’ng narinig ni Maricar ‘yun, puwede rin.

“Sa ngayon, ‘wag muna, tayo muna (bumuo). Ako naman kasi nakikinig lang sa kanya kung ano ang gusto niya. Kasi hindi mo puwede ipilit ang type mo, basta kami, magkakampi kami, kung hindi okay sa kanya, hindi rin sa akin,” paliwanag niya sa amin.

Kapag free time ng mag-asawa, “It’s either sa bahay lang or we dine out. Kapag nasa bahay kami, kasi alam niyang cook ako, so magluluto ako ng food na gustung-gusto niya or lalabas kami at kakain kami sa gusto niyang restaurant. Importante kasi sa amin ‘yung bonding moments.”

Hindi solo nina Richard at Maricar ang bahay nila dahil ‘yung choco-liquor business ng aktres ay home-based kaya stay-in ang ilang staff nila pero may sarili naman silang quarters.

Kaya ‘yung pinaplano nilang bilhing property ay malaki para ma-accommodate lahat kasama na ang malaking kitchen para sa business ni Maricar.

At ang masaya pang sabi ni RP ay nabawi na ni Maricar ang puhunan niya sa kanyang business, “First year pa lang nabawi na and going three years na ngayon. Pero challenge pa rin kasi i’ts a small business, hindi kami agree sa nagsasabi na dapat palakihin namin nang mabilis (expansion). Konti-konti, so it’s not growing fast that people want, pero kami we’re happy kasi ayaw din namin ng stress out kami na nasisiraan kami.

“May pera ka nga at kumita ka ng konti, sakit naman ng ulo mo, mataas naman ang BP (blood pressure) mo, ayoko ng ganu’n. Kung ano lang ‘yung kaya namin, maintain lang,” sabi pa ni Richard Poon.
Bukas, ibabahagi namin ang iba pang detalye sa pagsasama ng mag-asawa at kung paano nila name-maintain ang kanilang maayos at punumpuno ng pagmamahal na married life.

Read more...