WOMEN empowerment ang nais ibandera ng bagong afternoon series ng GMA na Contessa, ang papalit sa super mega hit na Ika-6 Na Utos.
Ito’y pagbibidahan ni Glaiza de Castro na gaganap bilang si Bea Resureccion, isang babaeng nakulong sa kasalanang hindi naman niya ginawa at isa-isang paghihigantihan ang mga taong nang-api sa kanya.
“I have the strong urge na i-encourage ‘yung mga kapwa kong kababaihan na hindi lang lumaban, na parang ‘yung pangkarapatan ko, hindi para iimpose sa tao, kundi para hikayatin din ‘yung mga tao katulad ng mga lalaki na maturuan kayo ng respeto. Pantay pantay tayo dito, that’s what women empowerment is all about,” pahayag ni Glaiza sa nakaraang presscon ng Contessa.
Para sa Kapuso actress, ang women empowerment ay hindi lamang nagagawa sa pamamagitan ng pagra-rally sa lansangan para ipaglaban ang mga karapatan, kasama na rin daw dito ang pagtuturo sa mga kalalakihan kung paano protektahan ang women’s rights.
“Dito, I think napakabalanse ng material ng Contessa para maging tool din sa women empowerment, dahil meron siyang ‘yung character ni Jak (Roberto) na si Jong. I think ini-impose niya rin na kailangan ng mga lalake na tulungan ang mga babae para makamit ‘yung katarungan na hinahanap nila,” aniya pa.
Inamin ni Glaiza na naging biktima na rin siya ng discrimination, “Hindi siyempre ma-i-iwasan yung katulad sa school yung ma-bully ka tapos hindi mo pa napapansin na nababastos ka na pala. Minsan sa work, may isang incident na na-feel bad ako after.
“Natulala ako, kasi nu’ng una parang medyo binibiro biro pa namin eh. Tapos parang na-realize ko, di siya dapat maging biro, di siya dapat ma-acknowledge nang ganu’n,” chika pa ni Glaiza.
At sa mga naging experience niyang ito ay natuto siya kung paano protektahan ang sarili bilang babae, “Mas nagiging aware ako sa kung ano ‘yung nakakabastos sa hindi. Kunwari, regarding street harassment, ‘yung catcalling, anything against your will, masasabi mong harassment ‘yun. Sinasabi kasi ng iba, ‘tinatawag ko lang naman siya, sinisitsitan ko lang naman siya.”
Hirit pa niya, “Pwede ko ‘yun i-report, hindi para parusahan siya kung hindi para ipaalam sa kanya na, ‘uy medyo hindi tama yang ginagawa mo.’ Para maturuan maging aware, kasi baka akala nila normal na ‘yan eh. Kasi minsan ‘yung mga ibang bagay, nagiging okay na lang, but I think malaking factor din na ma-correct siya kasi pano na ‘yung mga susunod nating generation?”
Samantala, magsisilbing reunion project naman nina Glaiza at Geoff Eigenmann ang Contessa na magsisimula na ngayong Lunes sa GMA Afternoon Prime. Huli silang nagkasama sa Kapuso series na Grazilda pitong taon na ang nakararaan. Bukod kay Geoff, makakasama muli ni Glaiza si Gabby Eigenmann na nakasama naman niya sa Dading noong 2014.
Ka-join din sa Contessa sina Lauren Young, Dominic Rocco, Chanda Romero, Tetchie Agbayani at marami pang iba pa, sa direksyon ni Albert Langitan at mapapanood na sa Lunes after Eat Bulaga.