SA unang pagkakataon, magtatambal sina Kim Chiu at Zanjoe Marudo sa isa na namang espesyal na episode ng Maalaala Mo Kaya hosted by Charo Santos.
Gagampanan nina Kim at Zanjoe ang mag-asawang sinubok ng naganap na giyera sa Marawi.
Dahil lumaki sa isang military family, nakita ni Ani (Kim) kung paano nangulila ang kanyang ina sa sundalong ama, kaya naman ipinangako niya sa sarili na hindi siya kailanman magmamahal ng isang sundalo.
Ngunit nabago ang pagtingin niya sa pag-ibig nang makilala niya si Rommel (Zanjoe), ang kasama ng kanyang kuya sa pagsusundalo. Hindi niya inasahang mahuhulog ang kanyang loob sa binata na kalaunan ay naging asawa niya.
Naging maayos ang kanilang relasyon hanggang dumating ang isang dagok sa kanila – nakunan si Ani at na-diagnose na may Poly Cystic Ovarian Syndrome (PCOS). Gusto man nilang pagtuunan ng pansin ang pagbuo ng pamilya, kinailangan naman ni Rommel na umalis at pumunta sa Marawi.
Mabuo pa kaya ang pangarap nila na magkaroon ng masayang pamilya? Makabalik pa kaya si Rommel para tuparin ang kanyang pangako kay Ani?
Makakasama rin sa MMK episode na ito sina Ahron Villena, Michael Roy Jornales, Akihiro Blanco, Boom Labrusca, Jong Cuenco, Ana Abad Santos, Niña Dolino, Denise Joaquin, Encar Benedicto, Kristel Fulgar, Aiko Climaco at Dawn Chang.
Ang episode na ito ay sa direksyon nina Dado Lumibao, sa panulat ni Benson Logronio. Abangan ang longest-running drama anthology sa Asya, ang MMK tuwing Sabado ng gabi sa ABS-CBN.