Liza tuloy ang paglipad bilang Darna; Ilalaban sa MMFF 2018?

LIZA SOBERANO

TULOY na tuloy na ang bagong movie version ng “Darna” na pagbibidahan ni Liza Soberano.

Ito’y taliwas sa lumabas na balitang “shelved” na ang movie project ni Liza na ipo-produce ng Star Cinema sa direksyon ni Erik Matti.

Nagulat ang mga taga-production sa nasabing chika dahil kasalukuyan na ngang nagsu-shooting si Liza para sa muling paglipad ni Darna sa big screen.

Tinawagan namin ang PR Manager ng Star Cinema na si Mico del Rosario at sinabi nga nitong nag-post na sila sa Instagram ng kanilang paliwanag tungkol dito.

Sinilip namin ang IG account ni Mico at doon nga naka-post ang artikulong may titulong “Is Darna shelved?” na sinagot niya ng, “THIS IS NOT TRUE. Spoken already to Tito Ricky Lo and clarify that DARNA has already started shooting. Tuloy na tuloy po ang Darna.”

Mukhang pinuputakti ng intriga ang mga artista sa epic seryeng Bagani, nauna na nga ang hinaing ni CHED Commissioner Ronald Adamat, dating representative ng Indigenous People Sector na nagrereklamo tungkol sa paggamit ng titulong “Bagani”.

Nitong Miyerkules naman ay kaliwa’t kanan ang bira sa isa pang cast member ng Bagani na si Sofia Andres dahil sa attitude problem nito na agad namang nag-issue ng public apology sa mga na-offend sa kanyang inasal sa blogcon ng kanilang fantaserye.

At ito ngang balitang pagkaka-shelve raw ng “Darna” ni Liza. Matagal nang nagsu-shooting ang dalaga para sa “Darna” pero pahintu-hinto ito dahil nga naka-locked-in sa location ng Bagani (Ilocos) ang mga artistang kasama rito, kabilang na riyan sina Liza at Enrique Gil.

Kaya sa mga fans ni Liza na nag-aabang na sa “Darna”, abangan n’yo na lang ang kanyang paglipad bago matapos ang 2018 o sa unang bahagi ng 2019. Hindi pa rin sigurado kung isasali ito sa MMFF 2018.

q q q

Nagsimula na ang pagpapalabas ng mga pelikula sa Cine Lokal na suportado ng FDCP, Sinag Maynila at Solar Entertainment.

Ang mga pelikulang pasok sa 2018 Sinag Maynila ay ang “Abonimation” ni Yam Laranas, “Bomba” ni Ralston Jover, “El Peste” ni Richard Somes, “Melodrama/Random/Melbourne” ni Matthew Victor Pastor at “Tale of the Lost Boys” ni Joselito Altarejos.

“Hangarin ng Cine Lokal na maging plataporma para sa mga dekalidad na pelikula para maging mas abot-kamay ito sa mga Pilipinong manonood.

“At sa aming pagsuporta sa Sinag Maynila, magkakaroon ng tahanan ang mga malikhain at makabuluhang mga pelikula na mapapanood ng hindi lang ng mga mahilig sa pelikula kundi ng mas maraming Pilipino rin,” ani FDCP Chairperson and CEO Liza Diño.

Bukod pa rito, itatampok din ng Sinag Maynila ang FDCP Film Talks @ Sinag Maynila ngayong araw sa SM North Edsa Cinema 3.

Isa itong libreng forum para sa mga diskusyon kung paano maitatampok ang iyong pelikula sa International film festivals at madistribute sa ibang bansa. Maaaring magparehistro simula 12:30 ng hapon sa labas ng SM North Edsa Cinema 3.

Ang panel ay binubuo nina Jeremy Segay, Korea and South East Asia Representative ng Unifrance; Takeo Hisamatsu, Festival Director ng Tokyo International Film Festival at ang kinikilala sa buong mundo dahil sa kanyang mga pelikula; at co founder ng Sinag Maynila na si Brillante Mendoza.

Ang pakikipag-ugnayan ng FDCP sa mga film festivals tulad ng Sinag Maynila ay bahagi rin ng ika-isandaang selebrasyon ng Pelikulang Pilipino, “Ngayon hanggang sa susunod na taon ay nakatutok sa selebrayon ng milya-milyang tagumpay na naabot ng Pelikulang Pilipino.

Naniniwala kaming ito na ang pagkakataon para tayo’y magsama-sama upang ipagdiwang ang pamanang ito sa atin, matuto sa kasaysayan ng pelikula at harapin ang mga susunod pang taon ng pelikulang Pilipino,” dagdag pa ni Diño.

Huwag palagpasin ang mga pelikulang kalahok sa Sinag Maynila sa lahat ng sinehan ng Cine Lokal sa Metro Manila mula Marso 9-15, 2018.

Read more...