Ang sekreto ng pag-unlad; atbp.

MAY nakapagsabi sa inyong lingkod na nakita si Andal Ampatuan Jr. na nagsisinghot ng kung ano sa loob ng selda ng National Bureau of Investigation (NBI) headquarters.
Isang taga-NBI ang nagsabi na si Andal Jr. ay isang confirmed drug addict, na tatlong beses na itong na-rehabilitate.
Kaya pala sinasabi niyang merong multo sa kanyang selda dahil siya’y nag-hallucinate.
Ang isang gumagamit ng shabu o cocaine ay madalas nagha-hallucinate. Nakakakita sila ng kung anu-ano na wala naman doon.
May malaking posibilidad na noong pinamunuan niya ang masaker ng 57 katao, siya’y bangag sa shabu o cocaine.
Normal ba yung isa-isa mong pagbabarilin pa ng ilang beses sa kanilang mukha at private parts ang mga taong nangingisay na matapos silang paputukan?
Isang demonyo lang ang makakagawa ng ginawa ni Andal Jr. sa mga biktima.
Maaaring naging demonyo si Andal Jr. at ang kanyang mga tauhan dahil bangag na bangag sila.
* * *
Gaya ng sinabi ko sa mga nakaraang column, maaaring ang source ng bilyon-bilyong ari-arian ng mga Ampatuan ay ang droga.
Hindi kaya ng pondo ng gobyerno ang mga pinangtayo nila ng mga mansion dahil bilyon-bilyon ang mga ito.
Kakaunti lang ang budget ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), at wala nang gagastahin kapag kinuha sa pondo ng ARMM ang pinambili nila ng mga ari-arian.
Droga ang pinanggalingan ng kayamanan ng mga Ampatuan.
Malaki ang kinikita sa droga.
At dahil hawak nila ang pulisya, walang nakapagpigil sa kanila sa pag-distribute nila ng droga sa Maguindanao.
* * *
Hindi nababahala ang Pangulong Gloria sa mga nangyayari sa Mindanao.
Hindi siya dumalo sa isang historic na joint session of the Senate and House of Representatives sa pag-imbestiga sa Maguindanao massacre.
Sabi ng kanyang mga tagapagsalita, di naman daw kailangan ang kanyang pagdalo sa isang unprecedented event dahil marami siyang ginagawa.
Parang hindi rin natinag si GMA sa nangyayari sa Agusan del Sur kung saan 75 katao ang ginawang hostage ng mga Cafgu.
Talagang makapal ang pagmumukha nitong si Gloria.
Wala na siyang pakialam kung ano’ng sabihin ng taumbayan sa kanya.
Kung ibang lider si GMA, na may kahihiyan, baka nagpakamatay na ito.
Singkapal ng asero ang kanyang mukha.
* * *
Gusto mong malaman ang sekreto ng pag-unlad?
Maging generous ka sa mga taong kapus-palad.
Give till it hurts.
Yung mga taong nagbibigay ng taos-puso sa kanilang kapwa at hindi binibilang kung ilan ang kanilang ibinibigay ay nabibiyayaan ng Sanlibutan.
The Universe rewards generous givers.
Hindi ba ninyo napapansin yung mga tao o institusyon na nagta-tithing—nagbibigay ng 10 porsiyento ng kanilang gross income to charity or church—ay mas lalong yumayaman?
The more they give, the more they receive.
Ang St. Luke’s Medical Center ay isang ehemplo ng isang institusyon na nagta-tithe.
Every year, St. Luke’s sets aside 10 percent of its gross income for charity patients.
Ngayong taon, nagtabi ng P300 million ang St. Luke’s sa mga charity patients o 10 porsiyento sa expected P3 billion gross income.
Hindi nakapagtataka na ang St. Luke’s ang lumalaki taon-taon.
Kaya nga nakapagpatayo na ito ng branch sa Bonifacio Global City.

Mon Tulfo, Target ni Tulfo
BANDERA, 121409

Read more...