Singil ng Meralco tataas ng P0.85/kWh ngayong Marso

Meralco

Magtataas ang singil ng Manila Electric Company ng P0.85 kada kilowatt hour ngayong Marso.
Ang P0.85 kada kW na pagtaas ay bahagi ng P0.97 kada kWh na dapat itaas ng Meralco ngayong buwan. Ang P0.12 kada kWh na kakulangan ay ipapatong nila sa singil sa Abril.
Dahil sa pagtaas na ito, magiging P10.32 kada kWh na ang presyo ng kuryente mas mataas sa P9.47 kada kWh na singil noong Pebrero.
Sa mga kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan nangangahulugan ito ng dagdag na P170 sa kabilang buwanang bayaran.
Ang pagtataas ay dulot ng P0.7424 kada kWh na pagtaas sa generation charge. Sa naturang halaga P0.6414 kada kWh na pagtaas ang ipatutupad ngayong buwan at ang nalalabi sa Abril.
Ang generation charge ay nagkakahalaga na ngayon ng P5.2962 kada kWh mula sa P4.6548.
Tumaas din ng P1.4441 kada kWh ang presyo sa Wholesale Electricity Spot Market dahil sa mas mataas na demand sa Luzon na dulot ng mas mainit na panahon.
May pagtaas din sa presyo ng mula sa mga Independent Power Producers. Nagkakahalaga ito ng P0.2814 kada kWh na bunsod ng annual scheduled maintenance outage ng Quezon Power sa buong buwan ng Pebrero at ang pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyar.
Bumaba naman ang singil ng mga planta sa ilalim ng Power Supply Agreements ng halagang P0.3634 kada kWh.
Tumaas din ang transmission charge ng P0.0503 kada kWh at ang buwis na ipinapataw ng gobyerno ay tumaas naman ng P0.1583 kada kWh.

Read more...