TAON-TAON, inaabangan ko ang Philippine Sportswriters Association (PSA) Awards Night dahil dito ko nakikitang muli ang mga kasamahang sportswriters na matagal ko nang hindi nakikita at ganun din sa mga atleta o sports officials na imbitado sa okasyon na ito.
Natuwa naman ako dahil isa sa mga nagpunta roon noong Pebrero 27 sa Manila Hotel ay ang kaibigan kong itinuturing na si Toni Leviste na many-time national at international champion sa equestrian.
Mantakin ninyo, 1990 pa noong una siyang naging national team member sa isang competition sa Hong Kong, 11 years old pa lang siya noon. At ang huli niyang national stint ay sa 2017 Southeast Asian Games.
Bukod sa kanya, hindi ko alam kung sino pa ang atletang Pilipino na naka-compete na sa limang Asian Games at isang Olympics, isama mo pa ang SEA Games at iba pang regional meets.
Si Toni ay sumasali rin sa malalaking international competition at kaya nga siya nag-qualify sa 2000 Olympic Games sa Sydney ay dahil nagpursige siya on her own.
Inimbitahan ako ni Toni na pasyalan siya sa kanyang horse ranch sa Lipa City at hindi naman ako nag-atubili dahil five days lang siya rito sa Pilipinas at babalik nga siya uli sa Wellington, Florida, USA.
Lumipad lang siya rito para tanggapin ang kanyang citation mula sa PSA dahil sa kanyang panalo ng isang Grand Prix event sa Slovakia last year. By the time na nabasa ninyo ang kolum na ito ay nakabalik na nga siya sa Amerika.
Qualified din si Toni sa itinuturing na Olympics ng equestrian dahil kasali siya sa 2018 World Equestrian Games na gaganapin sa Setyembre sa North Carolina kaya huwag na kayong magtaka kung bakit hanggang ngayon ay nabibigyan pa siya ng PSA citation.
Sa kuwentuhan namin sa kanyang ranch na kung saan isinama ko ang aking misis at apo ay inamin sa akin ni Toni na taon-taon ay nagpa-plano siyang magretiro sa equestrian competitions.
Ang nais niya ay magturo na lamang sa mga batang riders pero taon-taon din ay nagbabago ang kanyang isip at patuloy pa rin siyang lumalahok sa Europe at Amerika. Sa ngayon ay hindi talaga niya masabi kung kelan siya titigil.
At sa totoo lang, sasali raw siyang muli sa 2018 Asian Games sa Indonesia. Pang-anim na niya ito if ever na matuloy.
Nakapaglaro na siya dito noong 1994 sa Japan, 1998 sa Thailand, 2002 sa Busan, 2006 sa Qatar at 2014 sa South Korea. Basta raw mag-qualify lang siya ay tiyak na nandun siya.
Ang next target nga niya ay ang 2020 Olympic Games sa Japan.
Aniya, sasali siya ng sasali sa mga qualifying tournaments para nga makapasok siya sa 2020 Olympics.
At dahil siya ay busy sa kompetisyon, dalawang batang riders lang ang kanyang tinuturuan ngayon.
Isa rito ay si Nicole Camcam na na-interview ko rin sa Lipa pero ise-share ko na lang ang kuwentuhan namin sa future column ko rito sa Bandera.
Ayon kay Toni, si Nicole ang ‘future’ ng Philippine equestrian.
At dahil nahuli siya sa aming meeting sa Lipa, nangako si Toni na pagbalik niya sa May ay magdi-dinner daw kami at baka pati si dating champion swimmer at PSC commissioner Akiko Thomson-Guevara ay isasama namin.
Tiyak na mahaba-habang kuwentuhan na naman ito pag nagkataon. Abangan n’yo na lang.