NAPAKAHIRAP mangaral at manguna sa mga taong alam mong mas magaling sa iyo. Manapa’y hinahamon kang patunayan na kapanipaniwala ka’t may awtoridad. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (2 Hari 5:1-15; Slm 42:2-3, 43:3-4; Lc 4:24-30) sa Lunes sa ikatlong lingggo ng Kuwaresma (Di tinanggap sa sariling bayan ng Nazaret).
Sa Pagninilay sa Ebanghelyo noong Marso 5, turan din si Maria Lourdes (napakabanal at makapangyarihang pangalan na tanging may kakayahang durugin ang demonyo ng kanyang mga paa lamang) Sereno, sa kasalukuyan. Si San Lucas ang nagbuklod sa taumbayan at mga salitang laban sa pera, bagaman siya’y doktor at taga-Siria.
Ilang militanteng pari sa Diocese of Malolos ang nagsabing walang bago sa ilalim ng araw. Ang pandaraya ng demonyo sa Paraiso at ang mga pandaraya sa Gobyernong Noynoy Aquino ay pandaraya pa rin; mortal na kasalanan. Ang kasalanang mortal ay pinanagutan sa Diyos. Ang kasalanan sa batas ay binabayaran sa bilangguan, o tinutubos sa tanggalan sa puwesto.
Hindi mabibilanggo si Sereno pero ang parusang langit (divine punishment) ay higit pa sa hirap sa selda dahil ito’y latigong lumalatay sa kaluluwa, pag-iisip at katinuan na bawat segundo ay pinupunit ng kahihiyan, kinukutya ng taumbayan at iniinsulto dahil ano pa ang silbi ng pinag-aralan kung wala itong biyaya ng Panginoon?
Mas madali ngayon ang pagtastas kay Sereno, na kapit-tuko sa puwesto na di naman siya kuwalipikado. Maraming pekeng abogado, doktor, mamamahayag, atbp. Kapag nabistong di sila tunay na abogado, doktor, mamamahayag, atbp., hinto na ang kanilang raket, bukod sa uuwing luhaan sa hiya, kung may gahiblang hiya na natira. Ganyan ang pagkaunawa ng magbubuko, magtataho, na nasa laylayan ng kahirapan at kamangmangan.
Hindi nila alam ang quo warranto at impeachment. Pero alam nila ang “talsik” at sibak sa trabaho. Ang alam nila, pag di kuwalipikado, hindi puwedeng mag-apply sa trabaho dahil tiyak na di tatanggapin. Ang di kuwalipikadong tinanggap sa magandang puwesto, o mataas, ay malakas sa amo o kalandian ng amo. Ganyan karumi ang pag-iisip ng mahirap.
Sumisigla na ang talakayan sa Cha-cha tungo sa Pederalismo. Ang simbahan ay nagmamatyag (sa Diocese of Novaliches, ang Public Affairs Ministry). Sa simpleng salita, ikaw ba, bilang mamamayan, ang bida sa Pederalismo? Kung ang politiko ang bida, tiyak maaapi ka muli. Hindi nila maipangako ang langit, pero giginhawa ka raw sa Pederalismo. Mag-isip. Magsaliksik. Huwag maniwala. Itapon ang maling luma, ganapin ang bagong tama.
Mangyayari ang Pederalismo ni Digong. Ang Isabela, lalo na ang bayan ng Santa Maria, ay pobre pa sa daga kung ikuumpara sa NCR. Pero ang NCR ay walang pagkukunan ng pagkain. Para di magutom, papasok siya sa Pederalismong kasunduan sa iba pang estado na may pagkain, tulad ng Isabela at Bulacan. Ano naman ang mahihita ng Isabela’t Bulacan sa NCR, maliban sa shabu at basura? May poder ang mga gob ng Isabela’t Bulacan na tanggihan ang nais ng NCR.
PAGBABAHAGI sa Nilayan (Nilay-ugnayan sa Ebanghelyo, San Agustin, Hagonoy, Bulacan): Ano ang masarap gawin kapag di abala? Magtsismisan. Ano ang puwedeng gawin habang nagpapaypay sa lilim ng malamig na silong? Magtsismisan. Ano ang panlibang sa trabaho, sa gawaan ng pastilyas? Magtsismisan. Ano ang ikukumpisal bago mag-Semana Santa? Paglabag sa Ikawalong Utos ng Diyos, mortal na kasalanan.
PANALANGIN: Sa Iyong kabutihan, tulungan mo ako sa harap ng malaking pananagutan na iwasan ang tsismis para sa aking kaligtasan, sampu ng aking pamilya.
MULA sa bayan (0916-5401958): Ang kailangan namin ay permanenteng trabaho. …6609, Libertad, Gingoog City