Ginebra winalis ang Rain or Shine; semis duel ikinasa kontra San Miguel

HINDI pinaporma ng Barangay Ginebra ang Rain or Shine, 99-91, sa game 2 upang walisin ang kanilang best-of-three quarterfinals series at umabante sa semifinals ng 2018 PBA Philippine Cup Miyerkules ng gabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Inareglo ng Gin Kings ang kapana-panabik na salpukan kontra sa topseed at three-time All-Filipino Cup champions San Miguel Beermen para sa best-of-seven semis wars.

Nagposte si Japeth Aguilar ng 27 puntos, 12 rebounds at tatlong blocks upang muling bitbitin ang Ginebra at punan ang pagka-sideline ni bigman Greg Slaughter dahil sa injury.

Isinalpak ni Aguilar ang sideline jumper sa huling 55.3 segundo ng laban para ilayo ang Ginebra, 96-89, na tuluyang nagpatalsik sa Elasto Painters sa kumpetisyon.

Naghulog si Jervy Cruz ng 18 puntos habang naglagak ng 17 puntos si La Tenorio at may tig-10 puntos sina Sol Mercado at Joe Devance para sa Ginebra.

Nagtala si Maverick Ahanmisi ng 18 puntos para pangunahan ang Rain or Shine habang nagdagdag ng tig-14 puntos sina Ed Daquioag at Raymond Almazan subalit kinapos pa rin ang Painters na naramdaman ang hindi paglalaro nina James Yap at Chris Tiu dahil rin sa injury.

 

Read more...