Angeline nagpatapyas ng boobs kahit may ‘side effect’, balak ding magpa-trim ng ilong
USAPING Cornerstone artists pa rin, nabanggit sa amin ni Angeline Quinto na dumaan siya sa breast reduction o pagpapabawas ng boobs tatlong taon na ang nakararaan.
Nagiging tampulan nga lagi ng tukso si Angeline kapag naka-sexy outfit siya at kita ang cleavage, para raw kasing may puwet ng bata sa dibdib niya sa sobrang lusog ng mga ito.
Sabi ng dalaga, “36D po dati ang size ng boobs ko, ngayon 36B na lang. Sobrang nahihirapan kasi akong mag-fit ng damit ate Reggs. Okay lahat ang fitting pero pagdating sa boobs, hindi masara. Si Pepsi Herrera (SLN) po rati ang nagbibihis sa akin at talagang nahihirapan din siya.”
Sa madaling salita, hindi fake ang boobs ni Angeline, “Totoo po talaga ang boobs ko, hindi ako retokada,” diin niya.
Ngunit ayon sa singer may kapalit ang pagpapaliit niya ng boobs, “Ang malungkot po, nu’ng pipirma ako ng kontrata (waiver) bago ang surgery, nanalangin po ako na kung sakaling magka-baby po ako, may mga nabibili namang milk na galing sa ibang nanay (milk bank). ‘Yun na lang po ang naisip ko kung sakaling magkaanak ako.”
At dahil napag-usapan na rin lang ang retoke, may iba pa ba siyang pinaayos sa katawan niya? “Sinasabi ng iba na nagparetoke ng ilong which is hindi naman po totoo, pinaplano ko palang magpa-trim ng ilong kasi sa totoo lang kapag wala akong make-up, malaki naman po talaga ‘yung ilong ko.
“Siguro matapang lang ako magsalita ng mga ganitong bagay kasi ito ‘yung totoo. Inamin ko rin na nagpa-liposuction ako four years ago at sa mata, nagpalagay ako ng talukap kasi ‘yung mga make-up artist ko rati nagrereklamo na ang hirap ko raw make-apan sa mata, walang mapaglagyan ng eye-shadow,” ani Angeline.
Very visible sa TV ngayon ang dalaga, bukod sa ASAP meron pa siyang I Can See Your Voice bilang isa sa sing-vestigators at may gagawin din siyang dalawang pelikula. At ngayon pa lang ay pinaghahandaab na rin nila ang “The Divas Live II”.
Tulad din ng tanong namin kay Yeng ay hindi ba binalak ni Angeline na mag-audition sa Singer 2018?
“Siguro kung pagdating sa singing contest, sobrang kuntento na ako sa Pilipinas. Iba rin pag international pero ang puso ko, nandito talaga.
“Katulad nina Rachelle Ann Go (kasama sa Hamilton musical play), siguro pang-ganu’n talaga sila, international artist. Hindi ko nakikita ‘yung sarili ko na ganu’n. Ilang linggo nga lang ako mawalay sa pamilya ko, sobrang nalulungkot na ako,” katwiran ni Angeline.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.