Pinoy nurses bayani sa kapwa OFW

NOONG wala pa ang Internet at social media, napakalaking papel ang ginagampanan ng mga Pinoy nurses sa buhay ng kanilang mga kapwa OFW.

Bagum-bago pa lamang na sumasahimpapawid noon ang Pilipinas Online-Bantay OCW sa himpilan ng DZXL noong 1997 nang meron kaming natatanggap na mga balita tungkol sa kabayanihan ng mga Pinoy nurses, at mga kaso ng pagmamalupit, pang-aabuso at pagmamaltrato sa ating mga domestic helpers ang mga problemang isinusumbong sa atin.
Laganap noon ang pagtakas ng mga kababaihan nating OFW sa iba’t-ibang bahagi ng Middle East.

Kahit pa nga tumalon sila sa mga gusaling tinitirhan, ginagawa nila iyon makaalis lamang sa mga abusadong employer na tinatrato silang bilanggo at alipin.

Naroong ilalampaso ng mga babaeng employer ang mukha ng Pinay sa sahig. Galit na galit ang mga among babae sa kanila lalo na kapag ligo nang ligo ang ating OFW.

Ayon sa ilang impormasyong nakalap natin, iba ang dating sa mga babaeng Arabo ang madalas na pagligo ng mga babaeng OFW. Sa kanila ito ay naghahatid ng ibang mensahe sa kanilang mga mister. Sa kanila ang paliligo ay paghahanda sa pagtatalik.
Palibhasa malinis sa katawan ang mga Pinay, at naroroon pa sa mainit na bansa, natural lamang na madalas maligo ang mga ito kahit ilang beses pa.

Pero iba nga ang mensaheng ipinararating nito sa mga among lalaki. Ito rin ang dahilan kung bakit napakarami nating mga kababaihan ang pinagsasamantalahan at ginagahasa ng kanilang mga Arabong amo.

At kapag dumating na sila sa puntong hindi na nila matiis ang ginagawa sa kanila ng mga amo, doon nila paplanuhing tumakas sa bahay ng kanilang employer.

Titiyempuhan nilang magtatapon sila ng basura habang nag-iipon na ng mga gamit sa labas ng bahay at paisa-isang inihahagis ang kanilang mga gamit upang pagdating ng araw ng kanilang pagtakas, may mabibitbit silang gamit pauwi.

May ilan namang titiising tumakbo sa gitna ng disyerto sa kanilang pagtakas. Ang ilan naman, may maaawang tutulong sa kanila at dinadala na lamang sila sa hospital.

Handa ang Pinay sa gagawing pagtakas, kung kaya’t may maliit na papel itong bitbit at maingat na itinatago sa kaniyang damit.

Bago pa man mawalan ng ulirat sa hospital, at nakakita ng isang Pinay o Pinoy nurse, iaabot nito ang kapirasong papel kung saan nakasaad doon ang kaniyang pangalan, address sa abroad, pangalan ng kamag-anak sa Pilipinas, address at telepono nila.

Iyon ang magiging susi upang makaabot sa pamilya ang nangyari sa OFW at agad namang ipaaalam sa Bantay OCW at direkta naman kaming makikipag-ugnayan sa ating embahada para sa kagyat na tulong sa kanila. Salamat sa mga bayaning nurses natin na nagsilbing gabay din para sa pamilya at sa ating embahada na agad masaklolohan ang kaawa-awang OFW.
vvv
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...