Bunkhouse nag-collapse; 5 patay, 100 sugatan | Bandera

Bunkhouse nag-collapse; 5 patay, 100 sugatan

John Roson |March 06,2018
facebook
share this

Bunkhouse nag-collapse; 5 patay, 100 sugatan

John Roson - March 06, 2018 - 06:41 PM

Lima katao ang nasawi at higit 100 ang nasugatan nang mabuwal ang bunkhouse ng mga construction worker sa Cebu City, Martes ng umaga.

Unang nakilala ang dalawang nasawi na sina Carlos Caliwa, 61, ng Manjuyod, Negros Oriental, at Iveen Villarin, 23, ng Naga City, Cebu, sabi ni Supt. Reyman Tolentin, tagapagsalita ng Central Visayas regional police. Sa ospital na nakilala ang mga nasawi ring sina ‎Francisco Diapera, 45, ng Toledo City, Cebu; Crisenciano Silomen, 57, ng Trinidad, Bohol; at Jason Bacalso, 22, ng Naga City, Cebu. Naganap ang insidente sa bunkhouse ng mga trabahador ng J.E. Abraham C. Lee Construction company sa Archbishop Reyes ave., Brgy. Lahug, dakong alas-3:15. Pawang mga natutulog ang 153 construction worker sa 2-palapag na bunkhouse nang mabuwal ang istruktura, na gawa sa scaffolding at mga tubo, ani Tolentin. Sinabi sa pulisya ni Eladio Pansancia Jr., residente ng Toledo City at isa sa mga nakaligtas na trabahador, na nagising na lang siya dahil sa paghingi ng saklolo ng katrabaho. Dahil doo’y nanakbo palabas si Pansancia, at humingi rin ng saklolo, ani Tolentin. Nagtulung-tulong ang mga tauhan ng Cebu City Fire and Rescue Team, City Risk and Disaster Rescue Team, City Emergency Medical Team, at City Police Station 4 para mahugot ang mga naipit na trabahador. Umabot sa 114 ang trabahador ang dinala sa iba-ibang pagamutan. Labing-isa sa kanila’y sinasabing matindi ang pinsalang tinamo, at nilulunasan pa sa Cebu City Medical Center at Perpetual Succor Hospital. Sa kasalukuya’y itinuturing na “accidental” ang pagkabuwal ng bunkhouse, pero nagsasagawa ng imbestigasyon para malaman kung may dapat managot, ani Tolentin. Tinitingnan ngayon ang tila siksikang kondisyon ng mga trabahador sa bunkhouse at materyales na ginamit na panggawa sa istruktura, ayon sa isang ulat sa radyo. “Iniimbestigahan po ‘yan, kung lalabas na may criminal liability ang company o sino man, magpa-file po ng kaso ang mga pulis base rin sa complaint ng mga biktima,” ani Tolentin. Naganap ang insidente limang buwan pa lang ang nakakaraan mula nang masunog naman ang isang bunkhouse ng isang lumber yard sa Mandaue City, Cebu, noong Oktubre 5, 2017. Nasawi sa naunang insidente ang isang trabahador, kanyang misis, at ang 10-anyos nilang anak.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending