Mag-iina kinatay ng obrero; suspek patay sa pulis | Bandera

Mag-iina kinatay ng obrero; suspek patay sa pulis

John Roson |March 06,2018
facebook
share this

Mag-iina kinatay ng obrero; suspek patay sa pulis

John Roson - March 06, 2018 - 04:48 PM
Nasawi ang isang 31-anyos na babae at dalawa niyang anak nang pagtatagain ng kinakasama niyang lalaki, sa San Andres, Romblon, Martes ng umaga. Napatay din ang suspek na si Michael Falceso, 33, nang paputukan ng mga pulis matapos niya silang sugudin ng itak, sabi ni Supt. Imelda Tolentino, tagapagsalita ng MIMAROPA regional police. Nakilala ang mga biktima bilang sina Mylene Talangan, 31, live-in partner ni Falceso; at mga anak nilang sina Emilyn, 9; at Erwin James, 5. Naganap ang insidente sa bahay pamilya sa Brgy. Calunacon, at naiulat sa lokal na pulisya alas-6:30. Tinatayang 300 metro lang ang layo ng bahay ni Falceso sa highway, at kaunti lang ang kapitbahay, ani Tolentino. Sinabi sa pulisya ni Raul Deluviar, kapitbahay ni Falceso, na pinatay ng huli ang buong pamilya nito kaya agad nagtungo doon ang mga tauhan ng San Andres Police. Nagtungo ang mga pulis at barangay officials sa bahay ni Falceso para dakpin sana ang suspek, pero bigla itong lumabas ng silid na may dalang itak at sinugod ang mga alagad ng batas, ani Tolentino. Dahil dito’y pinaputukan ni PO2 Eliton Casidsid, isa sa mga responder, si Falceso gamit ang kanyang M16 rifle at tinamaan ang suspek sa tiyan, aniya. Dinala pa g ibang pulis si Falceso sa San Andres Municipal Hospital, pero doo’y idineklarang patay ng doktor ang suspek. Sa pagtatanung-tanong ng mga imbestigador, sinabi ng ilang residente na bago ang insidente’y nag-away sina Falceso at Talangan kaya nagalit ang lalaki at pinagtataga ng itak ang kanyang mag-iina. “Lasing daw po ‘yung suspect. [Ang] pinag-ugatan ng away ay ‘yung paglalasing ng lalaki at lagi daw binubungangaan ng babae,” ani Tolentino, gamit bilang basehan ang impormasyon mula sa San Andres Police.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending