Ravena sinagip ang NLEX Road Warriors vs Alaska Aces


Mga Laro Ngayon (Marso 6)
(Mall of Asia Arena)
4:30 p.m. San Miguel Beer vs TNT KaTropa
7 p.m. Magnolia vs GlobalPort

SINANDIGAN ng NLEX Road Warriors ang krusyal na assist at layup ni Kiefer Ravena sa huling minuto ng laro upang itakas ang 105-99 panalo kontra Alaska Aces at makuha ang 1-0 lead sa kanilang 2018 PBA Philippine Cup best-of-three quarterfinal series Lunes sa Mall of Asia Arena, Pasay City.

Una munang itinabla ni Larry Fonacier ang iskor sa 96-all sa pagkumpleto ng bihirang 4-point play bago isinagawa ni Ravena ang assist kay Michael Miranda na nabigong makumpleto ang 3-point play para sa 98-96 bentahe na naging sandigan ng Road Warriors upang iuwi ang unang panalo sa best-of-three na serye.

Tumira naman ng layup si Ravena para bigyan ng apat na puntos na kalamangan ang NLEX at hindi na lumingon pa.

Pinamunuan ni Ravena ang Road Warriors sa natipong 25 puntos, walong assist, isang rebound at isang steal habang nagdagdag si Fonacier ng 18 puntos.

Nagtala si Chris Banchero ng 20 puntos habang si Calvin Abueva ay may 18 puntos at 13 rebound para pangunahan ang Aces.

“I’m just relieved that Game One is over – that’s the good news,” sabi ni NLEX coach Yeng Guiao. “The bad news is, we have to go through this again.”

Isasagawa ang Game Two ng kanilang best-of-three series bukas sa Smart Araneta Coliseum.

Samantala, magsasagupa naman ngayon ang three-time defending champion San Miguel Beer, na hangad ang isang panalo na makapagtutulak dito agad sa pagtuntong sa semifinals, kontra TNT KaTropa sa ganap na alas-4:30 ng hapon.

Susundan ito ng salpukan ng Magnolia Hotshots, na kailangan din lamang ng isang panalo upang agad na tumuntong sa semis, sa pagsagupa nito sa GlobalPort Batang Pier sa ganap na alas-7 ng gabi.

Read more...