Joven nanguna sa Stage 3 ng Ronda Pilipinas 2018

TINALO ni Pfc. Cris Joven ng Army-Bicycology sa matinding bakbakan patungo sa finish line sina Ronnilan Quita ng Go for Gold Developmental team at Leonel Dimaano ng Team Franzia upang pagwagian ang 223.5-kilometrong Stage Three ng Ronda Pilipinas 2018 na nagsimula sa Pagudpud at natapos sa harap ng Provincial Capitol ng Tuguegarao City Lunes.

Binalewala ng tumapos sa pangatlong puwesto nakaraang taon na si Joven ang matinding init na umabot sa pinakamataas na 39 degrees centigrade upang makasama sa maagang breakaway group bago maungusan sina Quita at Dimaano sa huling 300 metro upang iuwi ang panalo sa loob ng limang oras at 39.45 minuto.

Ito ang pinakaimpresibong pagpapakita ng 30-anyos na si Joven na nagtulak dito upang umangat mula sa dating puwesto sa ika-23 patungo sa ikapito sa kabuuang oras na 10:32:53, pitong minuto sa likod ng nangungunang si Ronald Oranza ng Navy-Standard Insurance.

“Palagi ko sinasabi sa sarili ko na kukunin ko ang Stage Three at ayaw ko matulog ngayong gabi na dismayado,” sabi ni Joven na ipinagmamalaki ng Tabaco, Albay.

Magkakadikit sa pito kataong lead group patungo sa huling tatlong kilometro, umalpas si Dimaano sa grupo bago sinundan ni Quitana na nagawang kapitan ang unahan bago umatake si Joven at lampasan ang dalawa sa pagtawid sa finish line.

Ang LBC red jersey holder na si Ronald Oranza ng Navy-Standard Insurance ay tumapos sa ika-13 sa nasabing yugto sa oras na 5:40:28 para manatili sa overall lead sa kabuuang oras na 10:25:39 o eksaktong limang minuto sa kalamangan sa umakyat sa ikalawang puwesto na si Archie Cardana ng Navy-Standard Insurance.

Umatake din ang kasalukuyang back-to-back champion na si Jan Paul Morales ng Navy mula sa nakakadismaya na pagsakay sa Stage Two sa pagtatapos sa ikalima sa 5:39:51 na nag-angat dito mula sa dating kinasadlakan na No. 9 paakyat sa No. 3 sa 10:31:01 oras.

Si Dimaano ay nasa No. 4 sa 10:32:21 habang si Quita ay tumalon sa No. 6 sa 10:32:52 dito sa karera na nakataya ang isang P1 milyon sa kampeon mula sa presentor na LBC at suportado ng MVP Sports Foundation, Filinvest, CCN, Petron, Versa.ph, 3Q Sports Event Management, Inc., Boy Kanin, Franzia at PhilCycling.

Nakatuntong din sa top 10 overall sina Jay Lampawog ng Go for Gold Developmental Team sa No. 5 sa 10:32:34, Ronald Lomotos ng Navy sa No. 8 sa 10:33:15, Juan Carlos Barrios ng CCN Superteam sa No. 9 sa 10:33:29 at si Junrey Navarra ng Navy sa No. 10 sa 10:33:30.

Pinasalamatan naman ni Joven si Army Brigadier General Roy Devisa at Col. Joh Divinagracia at kanilang sponsor na Bicycology, na bike shop nap ag-aari ni dating Olympian at most bemedaled SEA Games swimmer, Philippine Sports Commission and Games and Amusement Board chairman Eric Buhain.

“I dedicate this victory to them,” sabi ni Joven, na isusuot ang kulay asul na Stage Winner jersey habang isusuot pa rin ni Oranza ang simbolikong pula na LBC leader’s jersey sa pagtahak ngayon sa 135.2km Tuguegarao-Isabela Stage Four na magsisimula sa Tuguegarao Provincial Capitol at matatapos sa Echague Municipal Hall sa Isabela.

Hindi naman kinaya ni Oconer ang matinding init at ang napakahabang lakbayin upang mapag-iwanan ng mga karibal upang mahulog mula sa pagiging No. 2 overall pababa sa ika-25th puwesto.

“It was a total breakdown for me, no excuses,” sabi ni Oconer.

Read more...