Customs execs pinatawag sa NBI

ANG pagsibak ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng Calabarzon, kasama ang kanilang hepe, ay dapat ginawa noon pa.
Matagal nang nababalitaan ng inyong lingkod na sangkot ang mga PDEA agents sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon sa pangingikil sa mga drug suspects.
Bakit ngayon lang?
Kunsabagay, bago lang naging director ng PDEA si Aaron Aquino na nagsibak sa mga tauhan niya sa Calabarzon.
Dapat ay pagtuunan din ni Aquino ang lahat ng kanyang mga tauhan sa buong bansa dahil marami sa kanila ay sangkot sa pangingikil.
Ang dahilan kung bakit dumarami, sa halip na kumonti, ang droga sa bansa ay dahil maraming PDEA agents ang patong sa sindikato.
***
Dapat ay ilabas na ng Public Attorney’s Office (PAO) ang findings nito tungkol sa pagkamatay ng mga bata na saklaw sa imbestigasyon sa Dengvaxia controversy.
Hindi pa pinatutunayan ng PAO ang alegasyon nito na namatay ang mga bata sa bakuna, pero sinasabi naman ng University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) na namatay ang mga nasabing bata sa ibang sakit.
Si Dr. Erwin Erfe, na diumano’y forensics expert ng PAO, ay nalantad na huwad matapos na ang kanyang US college of forensics medicine, kung saan siya ay nag-aral daw, ay hindi naman pala tunay na paaralan.
Ito’y diploma mill lamang.
***
Sinasabi ng pinakahuling SWS survey na ang US ang pinaka-pinagkakatiwalaan ng mga Pinoy habang ang China naman ang bansa na di pinagkakatiwalaan.
Yan ay dahil may colonial mentality pa ang mga Pinoy: Ang mga puti (mga Amerikano at Europeano) ay mas magaling, mas edukado, mas guwapo, mas maganda, atbp.
Kasi naman ay napasailalim tayo ng mga Kastila ng 300 taon at ng US ng mahigit na 50 taon.
Samantala, di naman tayo sinakop ng China.
Sa totoo niyan, matagal na tayong engaged in barter trade sa mga Tsino sa Mainland China bago pa man sinakop tayo ng Kastila.
Ang nakakalungkot nito ay nagtitiwala pa rin tayo sa mga bansang nang-api sa atin samantalang di natin pinagkakatiwalaan ang bansa na matagal na matagal na nating kaalyado.
***
Pinatatawag ng National Bureau of Investigation ang apat na opisyal ng Bureau of Customs upang tanungin kung bakit napalusot ang isang shipment na naglalaman ng misdeclared at highly dutiable goods.
Ang mga pinatawag ay sina Deputy Commissioner Noel Prudente ng Management Information System and Technology; Collector Balmyrson Valdez ng Manila International Container Port o MICP; Jaybee Cometa, chief ng risk management office; at Evelyn Rivera, chief ng formal entry division ng MICP.
Ang mga papeles ng nasabing shipment, na hinuli ng NBI agents sa labas ng customs zone, ay dumaan sa lamesa ng mga nasabing opisyal.
Si Prudente, na kamag-anak ni Customs Commisioner Sid Lapena, ay nasa likod ng mga “alert” o pag-hold ng mga shipments para masiyasat ang mga laman nito.
Ang pag-hold ng shipments na “on alert status” ang dahilan ng paglagay ng mga importers sa mga customs officials upang huwag nang ma-inspection ang kanilang shipments.
Kapag tumagal kasi ang pagpalabas ng shipment, malaking pera ang nalulugi ng mga importers.
Ang pinaka-notorious na unit sa Bureau of Customs ay ang X-ray office kung saan dumadaan ang mga shipments bago ito ilabas.
Milyon-milyong piso na lagay ang kinikita ng mga customs officials dahil di na nila pinapansin kung ang laman ng shipment ay mga kontrabando as long as nalagyan na sila.

Read more...