Joshua napag-iwanan na ba nina McCoy at Jerome sa ‘Good Son’?
MAY mga nakakapansin sa acting ni Joshua Garcia sa seryeng The Good Son, wala raw kasi itong pagbabago.
Puro pandidilat lang daw ng mata ang ginagawa nito kapag intense ang mga eksena.
Ikinukumpara siya ngayon kina Jerome Ponce, McCoy de Leon at Nash Aguas na laging pinag-uusapan sa social media ang pagpapakitang gilas gabi-gabi sa primetime serye ng ABS-CBN.
Sabi namin, baka naman iyon ang gusto ng direktor, subtle lang ang atake ni Joshua para maiba naman kina Jerome at McCoy na parehong gigil na gigil sa pag-arte.
Samantalang si Nash ay kontrolado pa rin acting bilang isang teenager na may sakit sa utak kaya natural ang dating.
Tinanong namin si Sylvia Sanchez na naging lola ni Joshua sa seryeng The Greatest Love na puring-puri ang batang aktor sa pag-arte kapag napapanood niya sa The Good Son.
“So far hindi na, eh (nanonood ng TGS). Alam mo namang araw-araw din ang taping namin sa Hanggang Saan. Kung may libreng oras man ako sa bahay, pamilya o mga anak ko ang inaasikaso ko, lalo na si Xavi, lumalaki na nga at panay ang emote na lagi na lang daw akong nasa work,” pahayag ng aktres.
Sabay tanong sa amin ng, “Bakit anong nangyari kay Joshua?” At binanggit nga namin ang obserbasyon sa kanya ng mga sumusubaybay sa The Good Son na masyado na raw kampante sa akting niya.
“Hindi ko na kasi napapanood ‘yung apo ko sa serye niya, baka naman iyon ang hinihingi sa kanya? Sige nga minsan silipin ko,” ang sabi sa amin ng aktres.
Sabi namin, gumagaling naman ang anak-anakan niyang si Yves Flores bilang si Domeng sa Hanggang Saan at hindi na kami magtataka kung sila ni Joshua ang paghambingin dahil halos pareho sila ng atake sa pag-arte.
q q q
Sa Hanggang Saan talaga napapansin ngayon si Yves kahit nga marami na siyang teleseryeng nagawa at naging bida pa sa Maalaala Mo Kaya at Ipaglaban Mo.
Kaya binalikan namin ng tanong si Sylvia kung sino kina Joshua at Yves ang para sa kanya ay mahusay.
“Mas naunang mapansin si Joshua sa The Greatest Love kaya nagkasunud-sunod na ang projects niya kaya dapat ‘wag siya magpabaya, mag-aral pa rin siya dahil maraming magagaling ngayon na sumusulpot. Mahal ko si Joshua, pero kailangan ‘wag siyang makampante.
“Si Yves bantayan ninyo dahil marami pa siyang ilalabas, saka pansinin n’yo si Yves, wala siyang gustong patunayan, gusto lang niyang umarte at magtrabaho.
“Unlike sa ibang baguhan ngayon, halata mong gigil nang umarte para magkaroon agad ng award kasi iyon ang pamantayan nila ngayon, kapag may award, magaling na sila, hindi dapat ganu’n. May award ka nga, wala namang nagsabing magaling ka?” katwiran ng aktres.
Nami-miss na nga raw ni Ibyang si Joshua dahil hindi na tumatawag at nagpapakita sa kanya, “Sobrang busy no’n kaya okay lang. Naiintindihan ko.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.