AMINADO ang Kapuso actor na si Neil Ryan Sese na matindi ang pressure sa kanila ni Camille Prats para sa bagong daytime series ng GMA 7 na Ang Forever Ko’y Ikaw.
Bukod kasi sa first time niyang magiging leading man sa isang Kapuso series, makakalaban pa niya sina Robin Padilla at Richard Yap, ang mga leading man ni Jodi Sta. Maria sa pang-umagang serye naman ng ABS-CBN.
“Nakaka-pressure kasi Robin Padilla na yun, di ba? Isa lang naman akong Neil Sese. Ako, nagpapasalamat ako sa network, sa GMA, sa sobrang laki ng tiwala na ibinigay sa akin para ibigay ang project na ito o isugal.
“Alam naman natin na lahat ng ginagawa ko ay puro kontrabida, character roles. Ito yung first romantic lead na gagawin ko sa buhay ko, kilig-kiligan pa,” paliwanag ng aktor na mas kilala sa mga kontrabida roles ng Kapuso series.
Hanggang ngayon daw ay hindi pa rin siya makapaniwala na binigyan siya ng chance ng mga bossing ng GMA na magbida sa isang serye.
“Never in my life na naisip ko ‘to. Sabi ko nga sa set, may mga tattoo kasi ako na kailangang tanggalin sa scenes. Sabi ko, ‘Sorry talaga. Kasi hindi ko nai-imagine na magiging ganito yung role ko, e.’
“Kasi, kapag kontrabida naman, okay naman ang may tattoo, di ba? Hindi ko talaga naisip,” sey pa ni Neil na gaganap bilang Lance.
Pero sabi ni Neil, tinanggap niya ang hamon na ito at gagawin niya ang lahat para hindi mapahiya sa GMA at sa mga viewers, “Ito yung project na walang kinidnap, walang mamamatay, walang mawawalang anak, wala.
“Kaya sobrang nakaka-proud na, for the first time in life, gumawa ako ng ganitong project, bida pa ako, ‘tapos feel-good pa yung show,” sabi pa ng aktor.
Hindi kaya maging simula ng selosan sa pagitan nila ng kanyang asawa ang pagtatambal nila ni Camille sa Ang Forever Ko’y Ikaw? “Siyempre, yung misis ko ay all-out support naman ‘yan ever since. At saka kaibigan kasi namin si Camille, so walang problema.
“Siya pa nga yung mas excited nu’ng in-offer sa akin yung project na ‘to. Siya pa yung unang natuwa kasi, noong una, nape-pressure pa ako. Ngayon ko lang na-embrace yung project. Pero noong una, ‘Kaya ko ba ‘to? Sigurado ba kayo?’
Inamin din ng aktor na nahirapan siya sa bago niyang role sa serye, “Kasi bago lahat sa akin, e. Noong una, mas mahirap, kasi nga parang character roles ang ginagawa ko, so parang plakado ko na yun, e, kung papaano ang gagawin. Ito, lahat bago para sa akin, buti na lang nag-workshop kami, malaki ang naitulong.”
q q q
Para naman kay Camille na gaganap sa papel na Ginny, matinding hamon din ang gagampanan niyang role sa serye dahil nga nasanay din siya sa heavy drama. Ito raw ang unang pagkakataon na magpapakilig naman siya.
“You know I think the really good part about this show is yung message nila tungkol sa love and how it will tell us that love finds you. And that you don’t really have to find it. Kasi darating ‘yan sa’yo at the right time and right place,” ani Camille.
Dagdag pa niya, “The challenge really is just toning down the intensity. I love romcoms because it looks effortless but really does have to do a lot with it. It’s a good thing even normal people can have a second chance, that’s what I want people to pick up from this show.
“I also believe in serendipity, in God’s perfect time you will meet your special someone. When I read this, it felt so familiar, my lines even felt like it in real life. It’s probably why Ginny as a Mom and her journey, I could totally relate with her,” sey pa ni Camille na namatayan din ng asawa sa kuwento ng Ang Forever Ko’y Ikaw, at na-in love uli.
Makakasama rin nina Neil at Camille rito sina Cai Cortez, Archie Alemania, Odette Khan, Jude Paolo Diangson, at ang cute na cute na loveteam nina Ayra Mariano at Bruno Gabriel. Ito’y sa direksyon nina Tata Betita at Jojo Nones.
Mapapanood na simula sa March 12 ang Forever Ko’y Ikaw bago mag-Eat Bulaga sa GMA.