MULING sasabak sa drama si Carlo Aquino sa pagbibida niya sa longest-running drama anthology sa Asia, ang Maalaala Mo Kaya hosted by Charo Santos.
Gagampanan ni Carlo ang karater ni Paolo Javellana na hindi nagpatalo sa pagsubok ng buhay para lang matupad ang pangako niya sa kanyang ina at mga kapatid na mabigyan sila ng magandang buhay.
Bata pa lang si Paolo ay sinubok na agad ang katatagan niya nang magkaroon ng ibang pamilya ang kanilang amang si Manuel. Para makalimot at makapagsimula muli, sa Baguio sila nanirahan kasama ang inang si Tess at mga nakatatandang kapatid na sina JJ at Jojo.
Ginawa ng kanilang ina ang lahat para mabuhay silang magkakapatid ngunit tila mailap ang swerte sa kanila. Nangako si Paolo na mag-aaral siya nang mabuti kaya nang maka-graduate sa college nagpunta agad sa Maynila at nagtrabaho bilang customer sales representative.
Sinuwerte naman si Paolo sa trabaho kaya unti-unti niyang naihaon sa hirap ang kanyang pamilya. Ngunit biglang magbabago ang lahat nang mabulag ang isang mata ng binata. Pilit niyang itinago ang kanyang kundisyon ngunit nabuking pa rin ng kanyang mga katrabaho dahil sunud-sunod na ang nagagawa niyang kapalpakan.
Sa sobrang depresyon, tinangka niyang magpakamatay ngunit may bumulong sa kanya na hindi pa tapos ang misyon niya sa buhay. Paano pa makakaahon sa pagkabagsak ang isang bulag na tulad niya? Sino ang tutulong sa kanya para muling makabangon?
Makakasama rin sa MMK episode na ito sina CX Navarro bilang Young Paolo, Irma Adlawan bilang Tess, Noel Colet bilang Manuel, Lui Villaruz as JJ, Lester Llansang as Jojo, Yñigo Delen as Kiko, Roeder Camanag, Jojo Abellana at JJ Quillantang.
Ito’y sa direksyon nina Mae Cruz Alviar at Nuel Naval, sa panulat ni Mae Rose Balanay. Napapanood pa rin ang MMK tuwing Sabado ng gabi sa ABS-CBN.
Ang MMK ay pinamumunuan ng Business Unit Head na si Roda dela Cerna.