Beteranang aktres na kilalang tirador ng mga kakanin napahiya sa mga tindera

MATAGAL nang pinagpipistahan sa mga umpukan ang nakakalokang bisyo ng isang medyo may edad nang aktres, pero parang wala naman siyang kadala-dala, paulit-ulit pa rin niyang ginagawa ang ganu’n.

Simple lang ang kuwento. Mapagharimunan ang female personality, sa halip na bilhin pa niya ang produkto, idinadaan na lang niya ‘yun sa pagtikim-tikim.

Kuwento ng aming source, “Kaso, hindi lang naman kasi pagtikim ang ginagawa niya, lamon na! Okey lang naman para sa mga tindera ang isang hiwa ng puto, pero kapag maraming hiwa na, e, paghaharimunan na ang tawag du’n!

“Dati na siyang ganu’n, magpupunta siya sa mga lugar na maraming nagtitinda ng kung anu-ano, darating siya nang napakaaga, kaya natural, hindi pa siguro siya kumakain ng agahan kapag ganu’n!

“E, wala pang buwena-mano ang mga tindera, aaryahan na agad niya ng pagtikim na hindi naman basta pagtikim lang, dahil ang dami-dami niyang kinakain!

“Natural, naiinis sa kanya ang mga tindera dahil hindi naman siya bumibili ng paninda, tinitikman lang niya, pero wishing siya buy!

“Kilalang-kilala na siya sa ganu’n, kaya ‘yung mga nakakaalam na ganu’n siya, e, palagi siyang iniiwasan.

Tinatakpan nila ang mga paninda nilang kakanin kapag papalapit na ang babaeng ‘yun!” unang kuwento ng aming impormante.

Kailan lang ay nagpunta na naman ang nagkakaedad nang aktres sa isang pamilihan sa likod ng isang kilalang mall. Sangkatutak ang paninda du’n, marami na namang nakadispley na mga puto mula sa iba-ibang probinsiya, malakas ang appeal sa aktres ng mga kakanin.

Sabi agad ng aming source, “Pero hindi siya nakalusot sa bisyo niya! Naharang ang ugali niyang patikim-tikim dahil ang may-ari pala ng mga puwesto, mga kapatid at kamang-anak din ng mga naiinis na tindera sa kanya sa ibang lugar!

“Hindi siya nakakain ng mga kakanin, sinabihan siya agad ng owner ng puwesto na hindi pa puwedeng bawasan ang mga laman ng bilao, dahil wala pa silang buwena-mano.

“Pahiya ang girl, standard ang sinasabi ng mga tindera, hindi puwede, wala munang tikim-tikim, dahil wala pa silang benta!

“Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, naging sobrang kontrobersiyal ang babaeng ito dahil sa pagiging pasaway niya sa batas ng kalsada!” pagtatapos ng aming source.

Read more...